PAGKATAPOS naming bisitahin ang Lake Sebu sa South Cotabato nagtungo kami sa Weaving Center ng mga kababaihang T’boli na pinamumunuan ng 89-anyos na si Be Lang Dulay. Si Be ay 1998 National Living Treasure. Si Be (Lola sa diyalektong T’boli) ay prinsesa ng nasabing tribu. Siya ay tinatawag ding The Dream Weaver dahil sa angking kakayanang maghabi ng T’nalak hango sa mga patterns na kanyang napapanaginipan.
Dahil sa talentong ito kaya siya pinarangalan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at hinirang na National Living Treasure ni dating President Fidel Ramos.
Nagkaroon ako nang malalim na interes nang malaman ang napakahabang prosesong pinagda-raanan ng paghahabi ng T’nalak. Nasa halos 20 proseso at ritwal ang ginagawa bago makabuo ng T’nalak. Ang bawat disenyo ay unique at iba sa lahat pa dahil ang mga ito ay mula sa panaginip ng mga manghahabi nito. Ani Be, hindi umano lahat ng babaing T’boli ay maaaring maging weaver dahil kung wala ka raw passion at calling para rito ay hindi mo magagawa ang paghahabi.
Dagdag pa niya na may espiritu na gumagabay sa bawat gumagawa ng T’nalak.
Ang lahat ng materyales na ginagamit sa paghahabi ng T’nalak ay mula sa kalikasan. Ang bawat hibla ay mula sa abaca. Abaca fibers ang mga ito na ninisnis, sinuyod at kinulayan gamit ang katas ng mga puno at prutas. Kaya walang duda na napaka-sagrado ng T’nalak dahil animistic ang tribung T’boli. Sinasamba nila ang kalikasan.
Apat na buwan ang pag gawa sa isang roll ng T’nalak na nasa lima hanggang walong metro? Ganoon katagal dahil sa dami ng proseso at dahil hindi maaaring madaliin ang paggawa nito.
Ang bawat rolyo ay may kuwento. Ang bawat rolyo ay sumasalamin sa kultura ng tribong T’boli dahil umaasa silang sa ganitong paraan mapapanatili ang kanilang identidad na maipagmamalaki sa ibang bansa.
Napakayaman talaga ng Pilipinas sa kultura. Sana ay nakikita ito ng bawat Pilipino.