SA mga usap-usapan at debate kung nakapagdudulot ba ng kanser ang cell phone, merong bagong argumento at paliwanag ang Food and Drug Administration na napaulat kamakailan.
Ayon kay Agnette Peralta, direktor ng FDA-Center for Device Regulation, Radiation and Health Research, wala pang konklusibong ebidensiya na nakakapagdulot ng kanser ang radiation na nagmumula sa mga cell phone. Tinutukoy niya ang tinatawag na Radio Frequency Radiation (RFR) pero ipinahiwatig niya na ang ganitong klase ng radiation ay matagal nang nasa paligid natin.
Hindi pa anya napapatunayan na merong kaugnayan ang kanser at ang RFR na lumalabas sa antenna ng mobile phone, cell site, at outdoor antenna distribution systems.
Pinagbatayan din niya ang 2010 Interphone Study na isinagawa sa koordinasyon ng International Agency for Research on Cancer ng World Health Organisation. Nabatid din na si Peralta ang tanging miyembrong Pilipino ng International Commission on Non-Ionizing Radiation Protection.
Sinabi pa niya na ang RFR level na nakukuha mula sa cell sites at cell phone ay mas mababa pa kaysa limitadong antas ng radiation na itinakda ng Department of Health na maaaring makuha ng tao. Bukod dito, batay sa analisis sa Interphone Study, ang nakakalap na mga ebidensiya ay mas kabaliktaran sa haka-haka na nakakapagdulot ng kanser ang mobile phone.
Idinagdag pa niya na ang RFR na nagmumula sa mga cell phone o mobile phone at cellular sites ay katulad din ng radiation na lumalabas sa mga antenna ng mga radio at tv station, radar systems, cordless phones, walkie-talkies, wireless fidelity o Wifi routers, computer wireless adapters, at wireless baby monitors.
• • • • • •
(Anumang reaksyon sa kolum na ito ay maipaparating sa e-mail address na rbernardo2001@hotmail.com)