ISANG pamilya sa Baliwag, Bulacan na biktima ng karumal-dumal na krimen ang nagpapasaklolo kay Justice secretary Leila de Lima at sa National Bureau of InvestiÂgation (NBI).
Ayon sa report, karumal-dumal ang pagpaslang kay Ryan Hipolito, 31 at pagkasugat ng asawang si Evangeline noong Setyembre 6 dakong 11:30 ng gabi. Binaril ang nga biktima ng riding in tandem habang lulan ng Toyota Vios (ZAV 611). Kasama ng mag-asawa ang apat na taong gulang nilang anak na himala namang nakaligtas.
Matapos ang pamamaril ay narinig pa ng asawang si Evangeline na sumigaw ang mga suspek na matigas daw ang ulo ni Ryan at pagkatapos ay tumakas na ang mga criminal. Nagmimistulang inutil naman ang Baliwag PNP dahil kahit katiting na “lead†ay wala silang hawak hanggang sa kasalukuyan.
Bago nangyari ang pagpaslang kay Ryan ay nakatatanggap na umano ito ng mga pagbabanta sa text messages. Bukod dito, isang linggo bago mangyari ang krimen ay isang pulong pa ang pinangunahan ni Ryan na may kaugnayan sa usapin ng recall laban kay Mayor Carolina Dellosa ng Baliwag.
Usap-usapan sa Baliwag ngayon, malayo na para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Ryan dahil sa mabagal daw sa pag-iimbestiga at pagkilala sa mga suspek ang PNP kaya nais ng pamilya ng biktima na umeksena na ang NBI na pinaniniwalaang mas magiging mabilis sa paglutas sa kaso.
May mga ulat na politically motivated ang pananambang dahil supporter si Ryan ni dating Mayor Romy Estrella, bukod pa sa kaibigan nito ang anak ng dating mayor na si Ferdie. Si Ryan rin ang nangunguna para magkaroon ng recall elections sa Baliwag dahil naniniwala itong nadaya si Estrella sa nakalipas na eleksiyon. Walang ebidensiya na magsasangkot kay Baliwag Mayor Dellosa pero para sa hinihinging hustisya, mas mabuting NBI na lang ang gumawa ng imbestigasyon para malutas ang pagpatay kay Ryan.
Hindi kunsintidor si PNP chief Director General Allan Purisima at dapat pagpaliwanagin ang hepe ng PNP Baliwag sa nasabing krimen.