^

Punto Mo

‘Nangangamoy dolyar’

- Tony Calvento - Pang-masa

KAHIT isang kusing lang ang iyong sukli dahil mahalaga ang pera kukunin mo pa rin dahil pinaghirapan mo.

Nagtungo sa aming tanggapan si Ana Maria Balingit o “Janet” 57-taong gulang, nakatira sa Kalookan. Pinoproblema niya ang tungkol sa pagkuha nila sa pensiyon ng kanyang asawang si Reynaldo o “Rey” nang mamatay sa America. Isang sulat ang natanggap ni Janet mula sa isang nagngangalang Norma. Pagbukas ni Janet divorce paper ang laman nito. “Bibigyan kita ng pera basta pumirma ka lang!” sabi umano ng nagpadala.

“Walang pirma ng asawa ko sa ipinadalang papel,” kwento ni Janet. Pagkatapos niyang matanggap ang sulat ilang araw lang ang nakalipas, isang di kilalang numero sa abroad naman ang tumatawag sa kanya. “Ako na ang kinakasama ngayon ng asawa mo. Ako ang nag-aalaga sa kanya kaya hindi na kayo uuwian!” nagpakilala ang tumawag na si Norma. Si Norma ay ang nurse na nagbabantay at nag-aalaga kay Rey sa Amerika nang magkasakit ito. “Yung mga anak niya sa unang asawa ang nagbalita sa akin na may kinakasama raw iba ang mister ko,” wika ni Janet.

Kinompronta niya si Rey nang minsang tumawag ito sa kanya. “Nurse ko lang yun,” maikli nitong paliwanag. Hindi siya tinantanan ni Norma sa kakatawag at tumigil lamang ito nang sabihin niyang hindi siya pipirma sa divorce paper.

“Mula nun palihim na kung magpadala ng sustento si Rey dahil hinaharang ni Norma. $300 kada buwan. Kadalasan sa anak niya ito pinapadaan. Pati mga kapatid ko kinakausap niya,” kwento ni Janet.

Biyudo si Rey at may anim na anak sa unang asawa nang makilala ni Janet. Mabait at magalang ito kaya naman nahulog ang loob niya kay Rey. “Kamukha niya si Dindo Fernando noong kabataan tapos ang katawan parang si Jaworski kaya naman nagustuhan ko rin siya,” kwento ni Janet. May isa na silang anak nang ikasal sila noong Agosto 15, 1980 sa Manila City Hall. Taong 1987 nang ipetisyon si Rey ng kanyang anak na si Virginia. Nagtrabaho ito bilang ‘Cable man’ at taunan kung umuwi. Madalas din itong tumawag kay Janet. Kalaunan dumalang ang kanilang komunikasyon.

“Hindi ako sumama sa kanya sa Amerika dahil hindi ako marunongmag-Ingles. Ayoko ring iwan ang mga anak ko,” kwento ni Janet.

Ang mga anak ni Rey kay Janet ay naging malapit din sa kanyang mga anak sa unang asawa.

“Ate ang tawag nila sa akin dahil nahihiya silang tawagin akong mama. Nasa kwarenta na kasi ang bunso at halos magkalapit lang kami ng edad ng panganay niya,” salaysay ni Janet.

Ika-12 ng Nobyembre 2011…tumawag sa kanya ang anak ni Rey na si Virginia. “Wala na si papa, atake sa puso ang dahilan,” sabi sa kanya. Inabangan nina Janet ang mga litrato ng burol ni Rey sa social networking site na Facebook (FB). “Dalawang araw siyang nakaburol dun. Pagka-cremate sa akin nila ibinigay,” pahayag ni Janet. Sa North Cemetery nila inilagak ang abo ni Rey.

“Ang pinoproblema namin ay kung paano makukuha ang pensiyon ko sa Amerika. Nagpepensiyon na kasi doon ang asawa ko nung nabu­buhay pa,” kwento ni Janet.

Ayon umano sa anak ni Rey dapat asikasuhin ni Janet ang pensiyon dahil siya ang nakalagay na karapat-dapat tumanggap ng benepisyo. Kukunin lamang umano ito ng gobyerno kung hindi nila ito lalakarin. “Ang iniisip namin kung saan kami magsisimula at kung ano ang mga dapat naming gawin. Nandito lang ako sa Pilipinas at hindi ko alam kung ano ba ang patakaran nila doon,” ayon kay Janet.

Ito ang naging dahilan ng kanyang paglapit sa aming tanggapan. Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Janet.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang halagang pinagpaguran ay nararapat lang na mapakinabangan sa ating pagtanda. Siguro mas maganda kung masisiguro muna ninyo kung anong uri ng pensiyon ang tinatanggap ng asawa mo. Yan ba ay welfare pension o yung tinatanggap ng isang American citizen na walang trabaho. Meron ding pensiyon na dahil sa pagtatrabaho mo ay makakatanggap ka ng benepisyo sa oras ng pagreretiro mo. Ang welfare pensiyon ay hindi naililipat sa iba. Tulong sa tao yan na walang trabaho at walang mapagkukunan ng pera. Ginagawa ito ng gobyerno para hindi mamatay sa gutom ang kanilang kababayan o iwas gumawa ng krimen. Yung isang uri ng pensiyon naman ay maaaring isalin sa kung sino man ang pinangalanan ng namatay.

Nakipag-ugnayan kami sa American Embassy. Nakausap namin si Emmanuel Castillo. Ipinaliwanag niya sa amin na may mga patakaran ang Amerika na makukuha lamang ang pensiyon ni Janet kapag umabot na siya ng animnapung taong gulang subalit na­ngako naman sila na tutulungan nila si Janet na baka may magawang paraan para ngayon na mag-umpisa ang kanyang pagtanggap ng pensiyon. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

Sa gustong dumulog para sa inyong problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166(Chen), 09213784392 (Carla),  09198972854 (Monique) o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maari kayong lumiham sa pamamagitan ng email sa [email protected].

AMERIKA

ANAK

JANET

KUNG

NIYA

PENSIYON

REY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with