Oink, oink’

WAG MATAKOT, WAG MAGBABOY…

Ito ang sigaw ng libu-libong Pilipino na sawang-sawa na sa korapsyon na patuloy na nangyayari mismo sa Kongreso at Senado. Ang pagtitipon ay nagsimula nang mabisto ang gawain ni Napoles ng JLN Incorporated, at mga litrato ng kanyang anak na babae na nag-‘post’ ng magagarang mansion at sasakyan sa Social Networking Sites tulad ng Facebook.

Lumabas na si Janet Napoles ay nakipag-ugnayan sa ilang mambabatas sa pagbibigay ng limpak-limpak na salapi sa mga Non-Government Organizations (NGO’s) na ilan ay mga peke at ang iba naman ay nakapirma na hindi naman sila.

Naging popular sa mga mambabasa na suportahan ang pagbabasura ng ‘Pork Barrel’ subalit ang sabi ko, ‘Bakit ngayon lang’? Alam na nating lahat na kaya atat na atat ang mga taong gustong maging Kongresista at Senador dahil may pera sa politika.

Milyun-milyon ang gastos para ikaw ay manalo at paano mo babawiin yan.. eh ’di magna­nakaw ka! Heto na nga, sumingaw na ang mga amoy baboy. Ang ‘pork barrel’ sana ay maganda kung napupunta para sa mga proyekto na ikagaganda at ikaaangat ng buhay ng mga tao ng kanilang distrito.

Para sa mga senador naman para sa mga lugar na nangangailangan ng tulong para pa rin sa mahihirap na Pilipino.

Paano mangyayari ito kung ninanakaw ninyo? Si Presidente Cory Aquino ay namuno ng ‘Leadership by Example’, siya mismo ay nagpakita kung paano mapapatupad ang magandang proyekto at pati ang pamumuhay ng payak na hindi umabuso.

Sinusuportahan ni President Noynoy ang pagbabasura subalit ang kanyang mismong ‘Budget Secretary’ na si Florencio Butch Abad ang nagsabi na ang ‘pork barrel’ na nagkakahalaga ng 25.2 Billion na nakapaloob sa 2014 budget na isinumite nila ay hindi tatanggalin.

Alam ninyo ba kung magkano ang budget na kanilang isinumite para aprubahan ng Kongreso? Aba, konti lang naman, 2.268 Trillion hindi billion ha, trillion piso.

Ang tanong ng mga kawawang maralitang Pilipino, aabot ba sa amin yan. Tayong mga nagbabayad ng buwis, magkano ang maibabalik sa amin niyan sa pamamagitan ng mga proyekto ng imprastrak­tura o trabaho para sa mara­ming walang kita?

Ako ay naniniwala na si President Aquino ay hindi palalampasin ang pagkakataong ipagmalaki sa kasaysayan, na sa kanyang administrasyon maraming nabago at ang kanyang ‘daang matuwid’ ang sinunod ng kanyang mga kaalyado at pati na rin ang mga hindi kapartido.

KAILANGAN talaga ng ‘political will’ at ito’y nagsisimula sa iyo dahil kami ang boss mo!

Bakit hindi mo tanggalin ang ‘pork’ na nasa ilalim ng iyong tanggapan at ilaan para sa mahihirap at sa permanenteng solusyon sa mga pinsala na dala ng pagbabago ng klima?

Meron ngang henyong nagsasabi na kailangan ng Pangulo ’yan para sa bayan at mamamayan. Okay, maaring totoo ’yan.

Dahil kami ang boss mo, bakit hindi mo gawing ‘transparent’ ang lahat ng gastusin ng iyong tanggapan sa paglalathala kung paano mo ginamit ’yan.

Hindi sapat na nasa ‘website’ ng Department of Bud­get and Management.

Bakit hindi sa mga pahayagan para mabasa ng lahat pati ng mga mahihirap at maintindihan paano at saan andun ang pera.

Maaring ito kaya ang dahilan kung bakit ang ‘Freedom for Information Bill’ ay hindi mapasa-pasa sa Kongreso.

Sige nga Pres. P’noy tanggapin mo ang hamon ng tadhana!

Sa gustong dumulog para sa inyong problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg.  Shaw Blvd., Pasig City.

Maari kayong magtext sa 09213263166(Chen), 09213784392 (Carla), 09198972854 (Monique) o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maari kayong lumiham sa pamamagitan ng email sa tocal13@yahoo.com.

Show comments