Lalaki sa Russia, ninakaw ang kalsada!

KUNG dito sa Pilipinas ay maraming ninanakaw na mahalagang bagay, sa Russia ay ganito rin ang nangyayari. Ang kaibhan nga lang, mabibigat ang mga bagay na ninanakaw sa Russia. At walang takot ang mga magnanakaw doon. Walang makakapigil sa kanila kapag mayroon silang gustong nakawin. Tulad ng isang 40-anyos na Russian na nahaharap sa pagkabilanggo nang nakawin niya ang sementadong kalsada.

Ang Russian na hindi pinangalanan ay masyadong malakas ang loob sapagkat isang special na buldoser ang kanyang ginamit para tungkabin ang mga concrete slab na nakalatag sa kalsada. Nasa 82 concrete slabs ang ninakaw ng lalaki. Ang kalsadang ninakawan ng slabs ay nagsisilbing daan sa Parcheg village patungo sa Vychegda River.

Pagkatapos matungkab ang mga slab ay kinarga iyon sa tatlong trucks. Pero may nakakita sa ginagawa ng lalaki at isinumbong sa pulisya.

Hinarang ng mga pulis ang mga truck at buldoser ng lalaki. Hindi na nanlaban ang lalaki. Ibinaba ang mga ninakaw na slabs na nagkakahalaga nang mahigit $8,000.

Sinampahan ng kaso ang lalaki at tiyak na makukulong siya dahil sa pagnanakaw.

Noong nakaraang buwan, isang lalaki rin ang inaresto sa Russia nang nakawin nito ang isang buong tulay. Gumamit ng welding torch ang magnanakaw para ma-dismantle ang tulay. Ipagbibili umano sa junk shop ang bakal.

Show comments