NAGPAPA-RENOVATE ng bahay si Dan. Ang dingding ng bahay na yari sa kahoy ay may hollow space. Nang isa-isa nang tinatanggal ang dinding ay may tumambad sa mata ng karpintero. Tinawag nito si Dan at itinuro ang bagay na ikinatunganga ng karpintero: Sa hollow space ng dinding ay may butiki (buhay ito) na naka-stock sa dinding. Ang paa ng kawawang butiki ay natamaan ng pako kaya hindi ito makaalis. Naalala ni Dan, ang pakong iyon ay ipinako roon mga anim na buwan ang nakakaraan para maging sabitan ng pantalon.
Habang pinapanood nina Dan at ng karpintero ang butiki ay may dumating na isang butiki. May pagkain itong dala sa kanyang bibig. Lumapit ang bagong dating na butiki sa nakapakong butiki at inilapit nito ang bibig na may pagkain sa bibig ng nakapakong butiki. May nag-aalaga pala sa kanya kaya kahit hindi makakilos ay buhay pa rin siya pagkaraan ng anim na buwan na siya ay tamaan ng pako.
Tinamaan si Dan. Plano niyang iwan ang asawang baog. Nag-usap na silang mag-asawa at ibinigay sa kanya ang kalayaan. Ang huling hiling ng asawa ay ipaayos muna ang bahay nila bago sila maghiwalay. Kung nagawa ng butiki na damayan at alagaan ang kasamang minalas tamaan ng pako, siya pa kaya na taong may isip at damdamin?
Hindi lang anak ang puwedeng magpaikot ng mundo ng mag-asawang nagmamahalan. Marami pang paraan para mapunuan ang kakulangang ’yun. Gaano kasakit sa kanyang misis na baog na nga ito ay iiwan pa ng asawa. Pag-uwi ng misis niya galing sa trabaho, hihingi siya ng tawad. Hindi na niya ito iiwan kahit ano pang mangyari.