‘Kakarampot lang mawawala pa’

HINDI porke’t maliit na halaga maaring bale-walain na. Hindi malaki para sa ‘yo, sa ibang tao ito ang bumubuhay sa kanila.

Nagtungong mag-isa sa aming tanggapan si Mang Vicente sa kabila ng kondisyong hindi na siya masyadong nakakakita at nakakarinig. Nagpapasalamat siya sa mga taong nagmagandang loob na ituro sa kanya ang aming tanggapan.

Tinanong namin siya kung bakit wala siyang kasama, ngunit isang ngiti lamang ang kanyang isinagot na tila ba alam na namin ang dahilan.

Taong 1966 nang magsimulang magtrabaho bilang isang Marine Engineer, si Vicente Riel Mendiola, 81 taong gulang ng Malabon City. May asawa na si Concepcion, 84, at limang anak na sinaVicente Jr., Angelito, Reynaldo, Joselito at ang bunsong si Maria Theresa. 

Nagtrabaho bilang isang seaman sa loob ng 14 na taon  sa David’s Shipyard mula taong 1966 hanggang sa taong 1976 at lumipat sa Floating Marine hanggang sa taong 1980.

Taong 1966 din ng maging myembro siya ng Social Security System (SSS). Ang kanyang reklamo na idinulog sa aming tanggapan ay tungkol sa maliit na pensyong kanyang tinatanggap buwan-buwan sa kabila ng paghuhulog dito ng labing apat na taon.

“Simula pa nung una, isang libo lang ang natatanggap ko. Nasa minimum lang yun, pero labing apat na taon akong naghulog,” wika ni Vicente.

Nagpunta na rin siya sa tanggapan ng SSS ukol dito upang malaman ang dahilan ngunit nagulat siya sa natuklasan.

“Wala daw akong hulog gayong  miyembro na ko mula pa 1966,” pahayag ni Vicente. Nakausap namin mula sa tanggapan ng SSS media affairs si Lilibeth Suralbo hinggil sa rekla­mong ito. Ayon sa kanya, nakarating na sa kanilang tanggapan ang kasong ito ni Mang Vicente.

“Nakausap na namin siya. Sinabi namin sa kanya na magma-manual counting na lang kami, at sinabi rin namin sa kanya na pag wala kaming nakitang hulog sa SSS niya maaaring mawala ang pensyon niya. Nakakabit naman yung number niya dito, tatawagan namin siya,” ani Suralbo.

Ipinakita niya sa amin ang mga dokumentong kanyang iniingatan na siyang makakapagpatunay na siya ay nakapag-ambag sa naturang ahensya.

Ang mga papel na kanyang dala ay galing sa lahat ng kompanyang kanyang napasukan. Tulad ng sertipikasyon mula sa David’s Shipyard na nakalagay kung magkano ang kanyang hulog kada buwan mula taong 1966 hanggang 1976.

Itinampok namin sa Calvento Files, “Hustisya Para sa Lahat” DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00-4:00 P.M. at Sabado 11:00am-12:00nn)  ang kwentong ito ni Mang Vicente.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa tingin namin ang taong kagaya ni Mang Vicente ay hindi magsisinungaling at gagawa ng kalokohan para isugal at mawala ang karampot na kanyang tinatanggap para ipaglaban pa ito ng ganito. 

Bilang tulong na rin sa kanya, nakiusap kami kay Suralbo na silipin ito ‘manually­’ at kung makita man nilang wala itong hulog, kahit for ‘humanitarian reasons’ iwan na lang ang isang libong pensyon ni Mang Vicente upang may magamit  siya na panggastos kahit pambili na lamang ng kanyang gamot. (KINALAP NI DAHLIA SACAPAÑO)

Sa gustong dumulog sa aming tanggapan, tumawag o mag-text, ang aming mga numero, 09213784392 (Pauline) 09198972854 (Monique) o 09213263166 (Chen).

Maaari din kayong tumawag sa aming landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

Pakinggan din kami at panoorin live sa ustream mag-log-on lang sa dwiz882.com at i-add kami sa Facebook hanapin lamang ang Calvento files Hustisya Para sa Lahat. Maari kayong mag-iwan doon ng mensahe tungkol sa mga inilalapit n’yo sa amin.

Pwede niyo rin kayong mag-send ng e-mail sa calventofiles@yahoo.com.

Ugaliin ding makinig ng programang “Pusong Pinoy” tuwing Sabado 7:00-8:00 ng umaga ka­sama si Atty. Joy Rojas ang General Manager ng PCSO at Monique Cristobal.

Para naman sa mga bible reflections, makinig kayo ng programang “Pari Ko” tuwing Linggo mula 9:30 hanggang 10:30 ng gabi kasama sina Fr. Jojo Buenafe, Fr. Jason Laguerta, Bro. Lucky Acuña at Atty. Joy Rojas.

 

Show comments