EDITORYAL - Kikinang na ang Manila’s Finest?

MARAMING abusado at matatakaw na pulis sa Maynila. Gumagawa nang masama at walang kinatatakutan. Palibahasa’y mayroong kinakapitan at sumasalo sa kanilang kawalanghiyaan. Bukod sa mga kotongero, marami ring pulis ang nangto-torture para paaminin ang suspect sa kasalanan. Halimbawa ay ang ginawang pagtorture ng isang police na may ranggong Inspector sa loob ng isang presinto sa Asuncion, Tondo, ilang taon na ang nakararaan. Tinalian ng inspector ang “ari” ng suspect at hinihila habang pinaaamin sa krimen. Umaaringking sa sakit ang suspect kapag bina­batak ang tali. Napakasamang gawain ng isang pulis.

Maraming pulis-Maynila ang nagpapatakbo ng mga sugalan --- video karera, saklaan, montehan at iba pa at kumikita sila rito nang limpak. Ang matindi, sangkot din sa illegal na droga ang mga pulis. Kapag daw mayroong video karera station, mayroon ding shabu roon. Habang nagbi-video karera, naka-shabu na ang customer kaya magdamagan ang kanilang paglalaro. 

Maraming pulis sa Maynila ang nakikinabang sa mga illegal vendor. Araw-araw naglalagay sa pulis ang mga vendor para hindi sila hulihin. Sa Divisoria at Binondo, ang mga illegal vendors ay nagbibigay ng P40 hanggang P100 sa station commander. Umano’y nasa P100,000 isang araw ang kinikita ng station commander sa Divisoria at Binondo.

Maraming pulis-Maynila ang sangkot din sa pag-salvage ng mga pinaghihinalaang criminal. Sa halip na mag-imbestiga at idaan sa legal na paraan ang lahat, sa short-cut na paraan na lang. Mas madali at mabilis ang resulta.

Ang mga ganitong uri ng pulis ang binalaan ni Manila mayor Joseph Estrada nang magsimulang manungkulan noong Lunes. Tapos na raw ang araw ng mga corrupt na pulis.

Inaasahan ng mamamayan ng Maynila at iba pa ang pangakong ito ni Estrada. Marami na ang nagsasawa sa mga abusado at matatakaw na pulis. Nararapat nang lipulin ang mga ito at ibalik ang dating kinang ng Manila’s Finest. Hindi sana pawang banta lang sa pagkakataong ito.

Show comments