EDITORYAL - Alisin ang oil depot
SINUSPINDE lang at pinagmumulta ng Environmental Management Bureau’s National Capital Region (EMB-NCR) ang Larraine’s Marketing may-ari ng depot sa Pandacan, kung saan tumagas sa storage tanks nito ang bunker fuel noong nakaraang linggo. Tumapon sa Pasig River ang maraming langis, dahilan para mahilo, magsikip ang dibdib at magsuka ang ilang residente na malapit sa lugar, kabilang ang Sta. Ana. Masangsang na amoy ang nalanghap ng mga residente.
Pinagmulta ang Larraine’s ng P450,000 dahil sa pagtagas ng langis sa Pasig River. Pinagsa-submit din ito ng paliwanag sa loob ng 15 araw kung bakit hindi sila dapat pagmultahin sa nangyaring pagtagas ng langis na nagdulot ng water at air pollution. Bukod sa paliwanag, inatasan din ang kompanya na mag-submit ito ng “pollution control program and measuresâ€. Hindi naman binanggit kung hanggang kailan ang suspensiyon ng Larraine’s.
Maliit lang pala ang multa sa depot na magli-leak at po-pollute sa Pasig River. Karampot na multa at balewala lang ito sa kompanyang kumikita nang malaki. Dahil maliit lang ang multa, hindi masisindak ang ibang may-ari ng depot kung may mangyari rin na pagtagas sa kanilang mga tangke. Suspensiyon lang naman at multang kayang bayaran. Madali lang “ayusin†ang ganitong gusot.
Noon pa’y marami nang bumabatikos sa mga nakatayong oil depot sa Pandacan. Dapat nang ilipat ang mga ito sapagkat panganib sa mga residente sakali’t magkasunog. Marami ang apektado. Wala rin namang mga nakahandang gamit ang mga may-ari ng depot sakali’t magkasunog. Walang mga pamatay-sunog na nakaabang sa oras ng pangangailangan.
Pinaka-mabuting solusyon ay ilipat sa ibang lugar ang depot. Maililigtas ang mga tao sa panganib at hindi rin mapo-pollute ang ilog sakali’t magkaroon uli ng leak.
- Latest