Lampong (329)

“ANG gandang bata ni Michelle,” sabi ni Dick makaraang halikan ang bata. Niyakap niya ito. Nakatingin naman si Jinky at natutuwa sapagkat malapit sa bata si Dick. Noon, akala niya ay walang amor sa bata si Dick.

“Di ba ayaw mong magkaanak, Dick?” tanong niya.

Bago nakasagot si Dick ay kumawala si Michelle sa pagkakayakap at nagpaalam na may kukunin sa room niya.

Binalingan ni Dick si Jinky.

“Talagang ayaw kong magpakasal at magkaanak Jinky. Kalokohan lang ‘yan, pero na-realized ko, mas masarap ang mayrong pamilya. Mas masarap ang may anak.’’

“Di ba ayaw mong magpakasal kayo ni Tita Puri. Live-in lang ang gusto mo.”

“Oo.’’

“Paano nagbago ang pa­nanaw mo?”

“Matapos akong pagtak­silan ni Tita Puri mo, binalikan ko ang mga naging karelasyon ko --- marami sila, Jinky. Pero may mga asawa na sila at may mga anak. Nanghinayang ako. Kung sana ay naisip ko agad na pakasalan ang babaing minahal ko, e di sana may pamilya na rin ako. Nang wala na akong mabalikan, pinangako ko na hindi na ako mag-aasawa. Magpapakatandang tinale na lamang ako. Wala na rin namang magkakagusto sa akin dahil nagkakaedad na rin…”

“Anong nangyari at napunta ka rito sa Socorro?”

“Bigla kitang naalala. Nasabi kasi sa akin ng isang matandang lalaki sa tirahan ninyo noon na narito ka raw. Umuwi ka na raw dito. Nalimutan ko lang ang pangalan ng matanda na napagtanungan ko….”

Nakatingin lang si Jinky. Nakikinig sa kuwento ni Dick.

“At nasumpungan ko na lang na narito na ako at hina­hanap kita. Sabi ko, baka maaari kitang ligawan…’’

Napaiyak si Jinky. Ma­ligaya siya.

“Huwag kang umiyak. Pakakasal tayo.’’

Yumakap si Jinky kay Dick.

“Uuwi lang ako sa Maynila para ayusin ang mga ari-arian ko roon at magre­-resign din ako para dito na tayo magsasama nang buong saya.”

Hinalikan siya ni Jinky. Napakasaya ni Jinky.

ISANG araw paluwas na si Dick.

“Pagbalik ko, pakakasal na tayo.’’

“Bumalik ka agad, Dick.”

(Itutuloy)

 

Show comments