‘Global Gaming Expo Asia 2013’

SA PAG-ANGAT ng isang korporasyon hindi lamang ang kanilang pangalan ang kanilang dala-dala kundi kasabay nito ang pag-unlad ng ekonomiya ng kanilang bansa.

Nakatanggap ang Pilipinas ng isang positibong komento mula sa Global Gaming Expo Asia 2013 (G2E Asia) matapos maihayag ng mga panel na kumatawan sa ating bansa kung gaano nakakatulong at nakapagbibigay ng pangkalahatang-ideya ang mabilis na pag-unlad ng mga laro sa ating bansa. 

Ito ay naganap noong Mayo 21-23, 2013 sa bansang Venetian, Macao. Ang panel ay pinamunuan ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman and CEO Cristino Naguiat, Jr.

Napabalita ring libu-libong mga kalahok ang dumalo sa G2E Asia 2013 mula sa iba’t ibang bansa. Ang mga nagsipagdalo sa tatlong araw na pagdiriwang ay ang mga gaming industry analysts, investors, bankers, senior casino management mula sa Macau at iba pang gaming jurisdictions, exhibitors at foreign media.

Isa sa binigyang-pansin sa pagdiriwang ay ang Global Markets Forum kung saan pinag-usapan ang mainit at umuusbong na merkado sa gaming industry. Ngayong taon ang G2E ay nakapokus sa mga bansang Taiwan, Macao at Pilipinas.

Ayon kay Chairman Naguiat, “sa pamamagitan ng aming pakikilahok sa G2E, naipagbigay-alam namin sa tagapamahala ng mga international gaming industry kung ano ang aming ginagawa rito sa Pilipinas upang mapabilang sa pinakamahuhusay na pagpipilian na lugar sa paglalakbay, libangan at mga laro sa buong Asya”.

Marami na rin ang nagsasabi na isa ang Pilipinas ngayon sa matinding kalaban sa Asia-Pacific gaming market lalo na sa pagpapasimula ng Entertainment City na proyekto ng PAGCOR. Masayang inaabangan ng buong pamunuan ng ahensya ang pagpasok ng napakaraming mga turista rito sa ating bansa sa mga darating na buwan dahil sa patuloy na pagpapaunlad ng Entertainment City, dagdag pa ni Chairman Naguiat.

Binigyang-diin naman ni Ben Lee, isa sa tagapamahala ng IGamiX Management and Consulting Ltd. at isa sa ‘forum moderator’, na ito ang pinakamahusay na komentong natanggap niya ng sunud-sunod na ang ‘PAGCOR presentation’ ang pinakamaga­ling na panel session sa buong conference, isang bagay kung saan hindi magiging posible kung wala ang ‘passion’ at ‘commitment’ na ipinakita ng mga miyembro ng panel.

Binanggit naman ni Roger Gros, publisher ng Global Gaming Business Magazine na “ang panel ng Pilipinas ay lubos na nakapagpaliwanag na pinangungunahan ni Chairman Naguiat, ang paglalarawan nila ng gaming industry ng kanilang bansa ay tuwiran at nakapagbibigay ng impormasyon.”

Nagbigay din ng pahayag ang editor ng Macau Business Daily newspaper na si Michael Grimes sa conference, sinabi niya na “napahanga ako ng panel ng Pilipinas, kung papaano nila naipaliwanag nang buong husay at tapat ang kanilang mga hirap na pinagdaanan gayundin ang mga oportunidad ng kanilang bansa sa gaming market”.  

Ang presentasyon ng PAGCOR sa G2E ang pinaka dinaluhan sa lahat ng sessions na nagpapahiwatig ng kanilang interes sa Pilipinas. Inihayag ni Chairman Naguiat ang sukat ng gaming industry sa ating bansa sa tuntunin ng gross gaming­ re­venues (GGR) na lumikha ng mahigit sa US$2 billion noong 2012. 80% nito ay nagmula sa mga casino ng PAGCOR kasama ang dalawang bagong resorts na binuksan ngayon taon, ang Resorts World Manila at Solaire.

Dagdag pa ni Chairman Naguiat, ang pagpapaunlad ng mga alituntunin na pinatutupad ng kanilang pamunuan ay nagpapakita lamang ng kanilang matibay na ugnayan sa mga proyekto ng ating gobyerno sa pagpapalakas ng turismo sa ating bansa na isa sa pinaka-nakakaapekto sa paglago ng ating ekonomiya.  Isa rin sa mga nagbigay ng interes sa mga kalahok sa conference ay ang mga bagong bukas na Entertainment City. Ayon pa kay Chairman Naguiat, ang mga ito ay nakatakda nang gawin at layon nilang makapagbukas ng mga resorts kada taon hanggang sa 2016 o 2017. Sa kalagitnaan ng susunod na taon, nakatakdang buksan ang isa pang bagong resort at dalawa pa, bago ang taong 2016.   

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, tuluy-tuloy na ang pag-unlad ng ekono­miya ng ating bansa sa tulong ng iba’t ibang korporasyon.

Isa na rito ang PAGCOR sa muli nilang pagbibigay-pugay sa ating bansa sa larangan ng gaming industry, na pinangu­ngunahan ni Chairman Cristino Naguiat Jr.  Maraming salamat sa PAGCOR at sa lahat ng bumubuo nito sa pagbibigay karangalan sa ating bansa at sa walang sawang pagbibigay serbisyo at tulong sa atin. Ang ahensyang ito ay patuloy na nagbibigay ng pag-asa at inspirasyon sa bawat Pilipino.

(KINALAP NI CARLA CALWIT) Sa gustong dumulog para sa inyong problemang legal, ang aming numero 09213263166 / 09198972854 / 09213784392. Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038.  Maari rin ka­yong pumunta sa 5th floor City State Centre bldg. 709 Shaw Blvd., Pasig City. Bukas kami mula Lunes-Biyernes mula 9am-5pm.

 

Show comments