Marami ang pumalag makaraang bansagan ni Dan Brown na ‘Gates of hell’ ang Maynila sa kanyang librong pinaÂmagatang ‘Inferno’.
Masyado naman daw inalipusta ng naturang manunulat ang imahe ng Maynila kaya nga marami ang sumakay para batikusin ang author sa kabila na isang fiction lamang ang aklat.
Oo nga naman, dahil maraming magaganda at maayos na lugar na talagang maipagmamalaki ang bansa, yun nga lang ang ilan, hindi naman sa lahat ng sulok ng Maynila eh masasabing nakaririmarim ang tanawin.
Ang Intramuros, isama na ang kahabaan ng Roxas Boulevard ay ilan sa mga lugar na may mga makasaysayang pangyayari na nais masilayan ng maraming turista, pero imbes na ang magandang tanawin yata ang makita rito, mas nalutang ang nakikitang negatibo o hindi kanais-nais na tanawin na nakakasira sa imahe ng lungsod.
Tulad na lang sa likod ng post office at sa katabi pa naman na Bureau of Immigration kung saan maraming nagtutungong dayuhan na nag-aayos ng mga papeles.
Dapat na siguro itong papasadahan ng mga kinauukulan. Makikita rito ang mga palaboy na doon na nagtitigil o naninirahan.
Ang baho na talaga ng naturang lugar, dahil doon na rin sila dumudumi. Hindi pa nga matiyak kung palaboy o baka naman masasamang elemento na rin ang mga ito na siyang bumibiktima sa maraming dayuhan at ilan nating kababayan.
Paanong hindi sasabihin ang ganito, wala na ngang mga matirhan, naglalakihan at malalakas pa ang katawan tapos makikita mong nagtutulog sa bangketa, ang mga paslit na anak binabayaang maglaro sa tubig na kulay putik, yung matatanda, babae o lalaki ang tatanda na sumisinghot pa ng rugby. Hindi kaya ito nakikita ng mga kinauukulan na talagang nakakasira sa imahe hindi lamang ng lungsod kundi ng bansa.
Maging dyan sa kahabaan ng Roxas Boulevard kahit dyan malapit sa US Embassy grabe rin ang nagkalat d’yan na kawatan na talagang kataÂtakutan.
Hindi lang yan sa maraÂming establisimento sa harap ng Manila Bay, naku, santambak din ang mga palaboy na bigla na lang lalapit sa yo at manghihingi ng pera. Kapag aanga-anga ka hahablutan ka pa.
Matinding paglilinis ang kailangan lalo na sa mga palaboy at nagkalat na masasamang-loob, para mapawi ang ganitong pagsasalarawan ng ilan sa Maynila.