Bantayan ang pagbili ng 21 Huey

BIBILI na raw ng 21 Huey helicopters ang Department of National Defense (DND) sa pamamagitan ng negotiated procurement. Wala na raw public bidding. Ayon kay DND undersecretary Fernando Manalo, kailangan na raw madaliin ang pagbili ng helicopters para mapalakas ang Philippine Air Force at magamit din sa mga kalamidad.

Teka, masyadong mababaw yata ang rason ng DND dahil bilyong piso ang pondo dito. Paano ba natiyak ng DND na may matitinding kalamidad na darating sa bansa at kung dumating man, helicopters ba ang magsasalba?

May naaamoy akong malansa sa bilihang ito ng helicopters at dapat bantayan ng mga kinauukulan. Puwede siguro ang mga negotiated purchase sa mga lubhang kailangan ng publiko tulad sa kakapusan ng planta para sa suplay ng kuryente at kauri nito. Ayon sa report, naglaan ang gobyerno ng P1.2649 billion sa  helicopters na ang orihinal na plano ay gamitin sa May 13 elections.

Pero tapos na ang eleksiyon, bakit kailangang madaliin ang pagbili nito? Paliwanag ni Manalo, nabigo raw ang dalawang beses na public bidding kung kaya nais nila na negotiated procurement na lamang. Upang maalis ang anumang hinala ng publiko, makakabuting magkaroon ng public bidding para sa helicopters.

Sana ay huwag paghintulutan ni P-Noy ang negotiated procurement ng helicopters dahil baka maging ugat ng batikos at bumagsak ang kanyang popularidad. Tatlong taon na lamang ang nalalabi sa kanyang termino kaya dapat maging maingat siya upang sa paglisan sa Malacañang ay mapanatiling mataas ang tiwala ng taumbayan.

Lahat ng sector ay kailangang magbantay sa hakbang ng DND na walang public bidding sa pagbili ng helicopters. Ito ay para matiyak na walang anomalya.

 

Show comments