SI Tim Jaccard, 56 taong gulang ay isang pangkaraniwang mamamayan sa New York City pero kilalang kilala na siya ngayon sa kanilang komunidad bilang ‘guardian’ angel. Siya ay isang medic ng Police Department sa kanilang lugar. Ang trabaho ng medic ay magbigay ng first aid at minor medical treatment sa mga emergency cases.
Isang araw ay nakatanggap sila ng emergency call mula sa isang janitress ng isang mall. May isang sanggol daw na nakitang lulutang-lutang sa toilet bowl. Huli na nang dumating ang grupo nina Tim Jaccard, patay na ang baby girl dulot ng pagkalunod sa toilet bowl. Ang posisyon ng baby ay tila ba pilit siyang ipina-flush pero hindi nagtagumpay dahil malaki ang katawan nito para mai-flush sa maliit na butas ng toilet bowl. Napahagulgol si Tim sa eksenang nadatnan dahil nang panahong iyon ay kasalukuyang nagdadalang tao ang kanyang anak.
Para namang sinasadya ng pagkakataon, tatlong sunud-sunod na insidente ang nangyari—tatlong itinapong sanggol mula sa magkakaibang lugar ang kanilang naging kaso. Ang isa ay nakabalot sa plastic bag na basta na lang iniwan sa isang beach; pangalawa ay nasa basurahan at pangatlo ay natabunan ng snow sa ilalim ng puno. Iyon ang simula ng pagsilang ng Ambulance Medical Technicians (AMT) Children of Hope Foundation. Nag-aplay ang foundation sa family court judge na bigyan sila ng legal guardianship sa mga bangkay ng mga sanggol upang magkaroon sila ng karapatang ilibing sa mga ito.
Mula sa mga nakalap na donasyon ng foundation, ang mga sanggol ay naikuha ng sariling lote upang maging libingan nila. Ang bawat kabaong na ginagamit sa mga bata ay pininturahan ng puti na sinasamahan ng mga bulaklak at isang teddy bear. Pagkatapos pamisahan sa simbahan ay may isang bagpiper na tumutugtog habang inihahatid ang mga ito patungo sa semenÂteryo. Umabot ng mahigit isang libo ang nakilibing sa tatlong sanggol na binigyan ng pangalan ng foundation upang iyon ang isulat sa kanya-kanyang lapida. Bawat pangalan ay nilalagyan nila ng apelyiÂdong Hope upang sa kahuli-hulihang sandali ay mabigyan naman ng dignidad ang pagkatao ng mga itinapong anghel. Maituturing na guardian angel si Tim Jaccard dahil siya ang nangangalaga ng mga kawawang bangkay ng mga itinapong munting anghel.