“SI Pac ang may-ari ng tsinelas na ito!’’ Sabi ni Jinky habang hawak ang tsinelas. “Hindi ko malilimutan dahil kakulay ng tsinelas na ito ang kanyang puruntong shorts. Nagtungo siya sa bahay ng gabing iyon kasama ang isang alalay. Pinagbantaan ako dahil ayaw ko raw magbayad sa isinuplay nilang kuhol para sa mga itik. Sinabi kong bayad na ako at advanced pa nga. Pero ayaw maniwala. Kung hindi raw ako magbabayad may mangyayari…’’
Naalala ni Tanggol ang gabing iyon. Nasa loob pa siya ng isang kuwarto sa bahay ni Jinky. Nakasilip siya noon sa pinto at nakita niya ang isang lalaki na mukhang kontrabida. Iyon si Pac. Pero hindi niya nakita na suot ni Pac ang tsinelas.
Hindi nagsalita si Tanggol at baka mahalata siya ni Jinky. Hinayaan niyang magsalita si Jinky ukol kay Pac.
‘‘Pero nalaman ko, kaya pala ganoon na lamang ang panggigipit sa akin ng Pacundong iyon, ay dahil malaki ang pagkagusto sa akin. Ayon sa isang tauhan kong babae, narinig daw niya na sabi ni Pac na pipilitin akong kunin kahit anong mangyari. Wala pa raw babaing ginusto niya na hindi niya nakuha…’’
Naikuyom ni Tanggol ang kamao. Walanghiya pala ang Pac na iyon! Kung gaano kapangit ang mukha ay ganoon din kasama ang ugali.
“Ano po ang gusto mo Mam Jinky, salakayin na namin ni Mulong ang bahay ng Pac na iyon?’’ tanong ni Tanggol.
Napatitig si Jinky kay Tanggol. Nag-isip.
“Uunahan na namin para matapos na ito…’’ sabi pa ni Tanggol.
‘‘Delikado Tanggol. Mas maganda kung hintayin na lang ang pagsalakay nila at saka tayo gagawa ng aksiyon,’’ sabi ni Jinky.
“E paano ka namin mapoprotektahan Mam Jinky e narito kami sa kubo at ikaw ay nasa bahay mo?’’
Nag-isip si Jinky.
“Kung doon na kaya kayo sa bahay tumira, Tanggol para lagi kaming may kasama…’’
“Sige po Mam.’’
“Mamayang gabi, dun na kayo matulog sa bahay ko Tanggol.’’
‘‘Opo Mam.’’ (Itutuloy)