Ingat!
Kung matinding trapik na ang naranasan kahapon, ngayong araw na ito mas asahan pa ang matinding kalbaryo sa trapik sa mga pangunahing lansangan lalu na ang palabas ng Metro Manila.
Paspasan na ang biyahe ng marami nating mga kababayan ngayon pa lamang.
Marami sa mga ahensya ng gobyerno ang half day na lamang ang pasok at maging sa pribadong tanggapan para sa mga planong paglalakabay ng kanilang mga tauhan.
Siguradong ngayon ang simula ng matinding dagsa ng mga manlalakbay sa mga terminal, daungan at paliparan para makapiling ang kanilang mga kaanak ngayong mahabang bakasyon.
Ang mga daang palabas ng Metro Manila ang sigurudang magsisikip, at sa susunod namang araw siguradong magmimistulang ghost town ang kalakhang Maynila dahil halos lahat ay sa lalawigan ang tungo.
Hindi pa rin tayo magsasawang magpaalala sa ating mga kababayan na i-obserba ang maÂtinding pag-iingat.
Mula sa gagamit ng mga pribadong sasakyan, siguruhing na-tsek itong mabuti para na rin sa ating kaligtasan at sa mapayapang paglalakbay.
Sa mga makikisiksik naman sa mga pampublikong sasakyan maging sa mga pantalan, aba’y dapat ding maging vigilant.
Ingatan ang mga dalang bagahe lalu na ang may mga kasamang bata. Makabubuting lagyan ninyo ng ID ang inyong mga paslit na anak para sakaling magkawalaan ay nandoon din ang inyong kontak number para matawagan.
Dapat lamang na maging mahinahon sa lahat ng gagawin, dahil kasi sa sobrang init na ng panahon at dahil na rin sa siguradong mararanasang masisikip na lugar marami ang maiinit ang ulo.
Dapat na kontrolin ang anumang galit baka kasi yan pa ang pagsimulan ng kaguluhan at maging sagabal pa sa mapayapang mga paglalakbay.
Sana ay maging matiwasay ang ating mga gagawing pagbibiyahe pero wag din nating kalimutan naman ang mga iiwan nating kabuhayan na dapat ding mabigyan ng kaukulang pag-iingat.
Mapayapa pong mga pagÂlalakbay mula sa inyong RespondeÂ.
- Latest