PATULOY ang nangyayaÂring tensiyon sa Sabah. Muling umatake ang Malaysian forces at binomba ang mahigit sa 200 Pilipino na miyembro ng Royal Security Forces ng Sultan ng Sulu na si Jamalul Kiram III.
Pero dapat itigil na muna ang sisihan at mga nagsasabing mali ang naging diskarte ng Aquino administration sa problema. Maraming kumokondena kay President Noynoy Aquino dahil sa hindi maayos na paghawak sa sitwasyon sa Sabah dahil nasa balag ng alanganin ang buhay ng mga Pilipino roon.
Bagamat mas nakakiling ang gobyerno ng Pilipinas sa Malaysia, makabubuting huwag agad husgahan ito at hayaan muna ang magiging resulta ng problema. Kung talagang mali ang diskarteng ito ng presidente, sa halip batikusin ay puwede namang iparamdam ng publiko sa pamamagitan ng eleksiyon sa Mayo. Kung hindi iboboto ang mga kandidato ng Team P-Noy o Liberal Party coalition nangangahulgan ito na hindi sila sumasang-ayon sa diskarte ng presidente sa problema sa Sabah.
Dahil sa pangyayaring ito. malalaman natin kung maÂapektuhan din ang pangangampanya ng Team P-noy sa pag-iikot sa Mindanao lalo na sa mga lugar na balwarte ng mga Tausug at mga taga-suporta ni Sultan Kiram.
Pinangangambahan na lumala ang problema sa Sabah at umabot sa Mindanao dahil sa maaaring mag-alburuto ang mga nagsisimpatya sa sultan ng Sulu. Kapag may nangyaring masama sa mga tauhan ng sultan sa Sabah, maaaring malagay din sa balag ng alanganin ang 12 senatorial bets ng Team P-Noy. Posibleng makakuha ng simpatya ang pamilya Kiram sa mga taga-Mindanao at ibuhos nila ang pagdaramdam sa gobyerno sa pamamagitan ng eleksiyon sa Mayo.
Okey lang kung sa balota ilalabas ang sama ng loob huwag lang sa pananabotahe sa campaign sorties ng Team P-Noy sa iba’t ibang lalawigan sa Mindanao.
Ipanalangin naman natin na malutas na ang problema sa Sabah. Ang pagdanak ng dugo doon ay maaaring pagsimulan na naman ng panibagong grupo na magrerebelde sa gobyerno.