ISANG ibon na tumatakas mula sa lugar na umuulan ng snow ang bigla na lang bumagsak habang lumilipad dahil nagyelo na ang kanyang pakpak sa sobrang lamig. Iyon ang panahon na lumilipat ang mga ibon sa lugar na may normal na temperatura.
Sa isang bukid siya bumagsak kung saan nagkalat ang mga hayop na alaga ng magsasaka. Habang nakalupasay sa lupa ang buhay pa ngunit naninigas na katawan ng ibon, hindi napansin ng umeebak na baka na sa ibong walang malay bumagsak ang mainit-init nitong ebak. Nabalot ng ebak ang katawan ng ibon. Unti-unting nagkamalay ang ibon dahil natunaw ang yelo sa kanyang katawan dahil sa init na dulot ng sariwa, mamasa-masa at mainit-init na ebak ng baka. Sumigla muli ang ibon at humuni siya nang malakas at non-stop. Nagkataong may dumadaang pusa at narinig niya ang huni ng ibon. Hinanap niya kung saan nagmumula ang huni. Nang makita ay buong kabaitan na nag-offer ng tulong ang pusa na iaahon niya ang ibon mula sa pagkakalublob sa ebak. Pagkasabi ng ibon ng: “Sige iahon mo ako pleaseâ€. Sinakmal siya sa leeg ng pusa at ginawang hapunan.
Mga leksiyon natutuhan sa kuwento:
1. Hindi lahat ng taong nagdulot ng perwisyo sa iyo ay kaaway mo. Minsan biktima lang kayo ng mga pagkakataon.
2. Hindi lahat ng tumutulong sa iyo upang maiahon ka sa pagkakabaon sa problema ay kaibigan. Minsan tinutulungan ka upang siya naman ang mag-exploit sa iyo.
3. Kung nalulunod ka na sa maraming kontrobersiya, mas makabubuti na manahimik ka na lang hanggang sa matapos ang problema. Kung mag-iingay ka at patuloy na tatalak, magkakaroon sila ng clue kung paano ka nila lalabanan.