Ang tanong sa interview

ANG trabaho niya’y mag-interview ng mga aplikante sa supervisory hanggang executive position. Feeling powerful siya tuwing may iinterbyuhing aplikante lalo na sa executive position. Imagine, ang mga future company president ay pinahi­hirapan niya sa kanyang mga tanong.

May isang bagay lang siyang napansin sa mga aplikante —gaano man sila katalino, hindi agad nila nasasagot ang tanong na: What is your purpose in life? Kapag ito na ang ibinabato niyang tanong sa mga aplikante, natitigilan  ng ilang minuto ang aplikante. Para bang ikinabibigla lagi nila ang tanong.

Naging palaisipan sa kanya ang mga bagay na ito. Ang mga aplikante  ay matataas ang pinag-aralan at mula sa mahuhusay na unibersidad pero hindi pala malinaw sa kanila kung ano ang layunin nila sa buhay. Kung may malinaw na layunin sa buhay ang isang tao, hindi na siya mag-iisip nang matagal kapag ito ang itinanong sa kanya.

Minsan ay may isa siyang aplikante para sa executive position. As usual, ibinato niyang muli ang kanyang favorite question: What is your purpose in life?

Hindi natigilan ang aplikante. Sinagot kaagad niya ang tanong: “Manatiling mabuting tao, makarating sa langit at mag­sama ng maraming tao patungo roon.”

Natanggap ang aplikanteng ’yun. Nang magtagal ay naging sikat ito sa kanilang kompanya dahil sa mahusay niyang pamamahala ng kanyang departamento. Halos lahat ng employees ay gustong mapasailalim sa kanyang departamento. Sabi nga ng kanyang mga tauhan: “The best si Sir sa lahat ng mga namuno dito sa department namin!”

 

Show comments