HINDI pa natatagalan ng isang bus na nasira umano ang handbrake ang bumangga sa daÂlawang estudyante na ikinamatay ng mga ito. Ang bus ay inarkila ng eskuwelahan para sa field trip sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal. Umano’y ipinarada ang bus sa palusong na lugar. Nang matapos na ang paglibot sa kampo, umakyat na ang mga estudyante sa bus, at dahil walang kalso, gumulong pababa ang bus at nasapol ang dalawang bata. Kasalanan ng drayber na tila walang alam sa tamang pagparada ng kanyang minamaneho.
Kahapon, isa na namang bus na may mga pasaherong estudyante ang naaksidente sa BaguioÂ. Pito ang namatay at 32 ang grabeng nasugatan sa mga estudyante. Ang mga estudyante na nag-field trip sa Baguio ay mula sa Marinduque State CollegesÂ. Umano’y pababa na sa Baguio ang bus nang maaksidente sa isang kurbada. Mabilis umano ang bus at nawalan ng control sa manibela. Bumangga sa kasalubong na truck. Patay ang drayber ng bus at nakabanggaang truck. Ayon sa report, nasa kritikal ang mga isinugod sa ospital.
Pawang bus na inarkila ng school ang may problema. Nagmistulang mga bus ni Kamatayan na ang mga inosenteng estudyante ang dinala sa hukay. Umano’y walang prankisa ang tourist bus na naÂaksidente sa Baguio. Bago pa lamang umano itong nag-ooperate sa Quezon. Ibig sabihin, wala pang kasanayan sa biyaheng Baguio ang drayber ng bus. Ayon sa report, kahit pababa o palusong mahigit 100 kph ang takbo. Sinong matinong drayber ang magpapatakbo ng ganito kabilis sa kurbadang daan?
Bakit naman ang bus na ito ang inarkila ng Marinduque State Colleges? Hindi raw accredited ang bus para sakyan sa field trip. Dapat imbestigahan ng DepEd ang eskuwelahan kung bakit nangyari ang malagim na aksidente.
Magkaroon na ng paghihigpit ang DepEd ukol sa field trip. Nararapat na isaalang-alang ang proteksiyon at kaligtasan ng mga estudyante.