EDITORYAL - Total ban sa imported used vehicles

N OON pa nagrereklamo ang mga local manufacturers ng sasakyan dahil sa pagdagsa ng imported used vehicles. Hindi na sila makabenta ng kanilang mga inasembol. Pati malalaking car dealers ay uma­ngal na rin noon sapagkat nabawasan ang kanilang sales. Bumabagsak ang kanilang negosyo dahil mas gustong bilhin ang imported na luma dahil mas mura.

Nag-isyu noon ng Executive Order 156 si President Gloria Macapagal-Arroyo na nagbabawal sa importasyon ng mga segunda manong sasakyan. Pero agad na pumalag ang importers ng second hand vehicles. Unconstitutional umano ang direktiba. Umapela sila sa regional trial court sa Aparri, Cagayan at nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) ukol sa ban ng imported used vehicles. Mula noon nagpatuloy ang pagdagsa ng mga segunda manong sasakyan sa mga port sa bansa, particular sa Port Irene sa Cagayan. Hindi lamang mga sasakyan sa Korea at Japan ang dumadagsa kundi pati na rin ang mga mamahaling sasakyan na gaya ng Porsche, Audi, Mercedes Benz at iba pa.

Pero nagdesisyon ang Supreme Court noong nakaraang Enero 7, 2013 na constitutional o naaayon sa batas ang direktiba ng Arroyo administration sa pagbabawal ng importasyon ng mga lumang sasakyan. Pero sa kabila nito, umaalma pa rin ang importers. Hanggang sa ipag-utos ni Customs Commissioner Ruffy Biazon noong Martes na huwag nang iproseso ang papeles ng 200 sasakyan na dumating sa Port Irene mula South Korea. Pero sabi ng namamahala sa Cagayan Export Processing Zone, bakit daw ititigil gayung matagal nang naproseso ang papeles ng mga sasakyan bago pa bumaba ang Supreme Court ruling.

Kawawa ang local manufacturers ng mga sa­­sakyan. Mamamatay sila kapag hindi naipatigil ang importasyon ng mga lumang sasakyan. Mamamatay din sa gutom ang kanilang mga trabahador. Aksiyunan na sana ni President Aquino ang isyung ito. Ipag-utos niya ang total ban sa imported used vehicles.

 

Show comments