MARAMING natutuwa sa umuusad na kaÂpayapaan sa Mindanao. Nakikitang tumahimik na ang labanan sa pagitan ng government troops at mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Wala nang sagupaan. Tanging ang mga Abu Sayyaf na lamang ang nagbibigay ng dungis sa rehiyon.
Sana ito na nga ang talagang simula ng permaÂnenteng kapayapaan. At para sa amin, magtuluy-tuloy ang nasimulang ito kung ang lahat ng mga pinangako ay matutupad at maisasakatuparan.
Nang magtungo sa Camp Darapanan sa Sultan Kudarat si President Aquino noong nakaraang Lunes, sinabi niya sa mga lider at miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na malapit nang magkaroon ng katuparan ang lubusang kapayapaan sa Mindanao. Maari raw na bago siya bumaba sa puwesto ay may maganda nang bunga ang pag-uusap sa kapayapaan. Kung ganap nang tahimik at maunlad ang Mindanao, baka sa Mindanao pa sila mag-honeymoon ng kanyang special someone.
Sa pagtungo niya roon, namahagi siya ng health cards at nagkaloob ng scholarships sa mga anak ng MILF members. Ito ay bahagi ng paglulunsad ng Sajahatra Bangsamoro Program sa Maguindanao. Ayon sa Presidente ang inilunsad na programa ay isang paraan para mapabilis ang peace process.
Pagkakaroon ng tiwala sa isa’t isa at seryosong pagtupad sa mga pinangako ang susi sa lubos na kapayapaan sa Mindanao. Ito lang ang mga kailangan. Kapag naisagawa ang mga ito, wala nang rebelde at sundalong magbabakbakan. Wala nang buhay na masasayang at wala na ring magkakawatak-watak na pamilya dahil sa walang tigil na labanan.
Naumpisahan nang matikman ang sarap na walang labanan kaya hindi na dapat bumalik pa sa masamang bangungot na bumalot sa matagal na panahon. Ituloy-tuloy na ang paglasap sa walang hanggang kapayapaan.