‘Epal’

Matinag kaya ang mga epal na politiko sa bagong patakaran na inisyu ng Commission on Audit (COA) tungkol sa pagpapapogi ng mga ito, na ang gamit naman ay pera ng bayan.

Ewan lang natin ha, pero ang ganitong kalakaran sa pagpapapogi ng mga politiko ay matagal nang nangyayari at sana nga ay unti-unti nang masupil sa bagong kautusan.

Krimen na base sa bagong patakaran ng COA ang mga ‘epal posters’ ng mga politiko na ikinakabit sa mga proyekto ng pamahalaan, nasyunal man o lokal na doon nakadikit ang kanilang mga mukha at pangalan.

Naku eh ang daming ganyan, biruin mong magpapagawa lang ng waiting shed, na alam na alam naman na ang pinagpagawa ay buhat sa kaban ng bayan, pero ang politikong epal ang nakabandera ang mukha.

Madalas mas malaki pa ang mukha sa bubong ng waiting shed.

Proyektong bayan daw ni ganito at ganito, mistulang sa bulsa niya galing ang ginastos pero ang totoo dapat na ilagay doon eh proyekto na ang pondo ay  galing sa buwis ni Juan dela Cruz.

Hindi lang ’yan, ang mga ambulansya sa mga lungsod at munisipalidad makikita mo ang naglalakihang mukha ng mga politiko kahit hindi sa kanila galing ang pondo, pati sa ilang gusali ng mga paaralan nandoon at nakadikit din ang kanilang mga pangalan.

’Yan ang mga tunay na ‘epal’.

Pero sana nga ay mahigpit nang maipatupad ng COA ang bago nilang panuntunan at kung may lalabag, huwag mangiming parusahan o sampolan. Baka sa ganitong paraan magkaroon ng kaba ang maraming mga epal na sumunod.

Kung gusto nilang pumapel at magpapogi, aba’y wala namang pumipigil sa kanila, basta ba galing sa sarili nilang bulsa ang anumang gagastusin at hindi nagagamit ang pera ni Juan.

Show comments