KAHAPON, nalathala sa column na ito ang isang bayaning parrot na nagligtas sa isang tinedyer habang nasusunog ang bahay sa Wales.
Ngayon naman, isang magnanakaw na parrot ang namÂbiktima sa isang turista sa New Zealand. Natangayan ang turista ng 700 Sterling pounds.
Ayon kay Peter Leach ng Glasgow, Scotland, enjoy na enjoy siya sa magandang tanawin sa Arthur’s Pass. Itinigil umano niya ang kanyang camper van sa highway at kumuha nang kumuha ng picture mula sa kanyang camera.
Napalayo umano siya sa kanyang van dahil sa pagkuha nang magagandang tanawin. Nang bigla umano siyang lapitan ng mag-asawang Canadian at sabihing isang Kea parrot ang pumasok sa loob ng kanyang van at mayroong tinangay.
Nagmamadaling tinungo ni Leach ang van at natuklasan niyang nawawala ang kanyang wallet na may 700 pounds.
Tanging 20 pounds sa kanyang bulsa ang naiwan. Hinayang na hinayang si Leach. Nagsisi siya kung bakit iniwang bukas ang bintana ng van.
Nainsulto naman si Leach nang ireport sa mga pulis ang pagnanakaw na ginawa ng parrot. Pinagtawanan umano siya ng mga ito. Hindi raw mapigilan ng mga pulis ang magtawa. Wala siyang magawa kundi pagsabihan ang mga pulis na huwag siyang pagtawanan.