KAKAIBA ang holdaper na pumasok sa Papa John’s Pizza restaurant sa Montana, USA. Makaraan nitong iabot sa cashier ang isang note ay bigla itong umiyak. Hindi malaman ng cashier ang gagawin. Pero sa dakong huli, naisip niyang bigyan na lamang ng pizza, chicken wings at saka softdrinks.
Ganito ang nangyari ayon sa pagkukuwento ng cashier. Nang abutin niya ang note ng holdaper nabasa niya sa ba-luktot na English: “Don’t wont eny [expletive] just give me what I want AND you wont get hert OK?â€
Pero nang makita raw ng holdaper sa cash register na $24.56 lamang ang laman nito ay bigla raw itong umiyak. Kailangang-kailangan daw niya ng pera para sa kanyang asawa at mga anak.
Nabagbag ang kalooban ng cashier sa sinabi ng holdaper. Sa halip na ibigay ang $24.56 na nasa kaha, binigyan niya ito ng pizza, chicken wings at soda.
Nagmamadaling kinuha ng lalaki ang mga pagkain at umalis.