ANG iyong mga daliri sa kamay merong iba’t-ibang hugis at laki pero iisa ang pinanggagalingan. Putulin mo ang kamay at ang mga daliri ay magkakanya-kanya, kung minsan mag-aaway away pa.
Sa mga magulang, bago mahuli ang lahat hati-hatiin na kung meron man kayong ari-arian bago pa mag-away away ang pamilya.
Karapatan ang ipinaglalaban ni Aida Tahanlangit, 59 taong gulang, taga Antipolo kaya nagsadya siya sa aming tanggapan. Ang kanyang hinahabol, ang pag-aari umano ng kanyang namayapang ina na si Juana Legaspi Tahanlangit. Ipinamana ng mga magulang ni Juana sa kanya at sa iba pang kapatid ang lupa sa Naic San Roque Cavite na may lawak na 1112 sqm.
“Tatlo na lang sina mama na maghahati-hati sa lupang naiwan ng lolo ko. Yung iba kasi walang naging pamilya at patay na din lahat,†kwento ni Aida.
Ang mga tagapagmanang naiwan, sina Juana Tahanlangit may pitong anak, Librada Legaspi anim ang anak at Rosa Hintay na may walong anak. Hindi pa gaanong malinaw kung aling bahagi ang mapupunta sa bawat isa ngunit ang ilan sa mga tiyahin ni Aida ay nauna nang magtayo ng kani-kanilang bahay dun. Ayon din sa kanya, nagpaalam umano ang kanyang pinsan na si Fred Hintay na magtatayo ng bahay sa tapat ng lupang mamamana ng kanyang ina. Pumayag naman daw kaagad si Juana dahil may tinitirhan pa naman sila.
“Nung namatay itong si Fred pinaupahan na ng asawa niya ang bahay,†wika ni Aida. Malinaw umano na lahat ng tatlong naiwang anak ng kanyang lolo ay may makukuhang parte. Alam din ito ng kanyang mga pinsan, ngunit lumabas na ang pamilya Hintay lamang ang nakinabang sa lupang ito. Dahil sa dami na ng mga pinsang nagtayo ng sari-sariling matitirhan, tanging maliit na espasyo na lang sa likuran ang bakante na para bang iyon na lang ang nakalaan para sa pamilya ni Aida.
“Inalok kaming magtayo na dun pero ayaw namin dahil hindi pa naman maayos ang pagkakahati ng lupa. Ni hindi namin alam kung gaano ba talaga kalaki ang dapat sa amin,†sabi ni Aida.
Ayon sa mga Hintay handa naman umano sila na ibigay ang parte nina Aida ngunit kasabay nun iginigiit nilang… “Inabandona niyo ang lupa at hindi kayo nagbabayad ng buwis kaya wala dapat kayong karapatan.†MagreÂretiro na sa kanyang trabaho ang bunsong kapatid kaya nila naisip na kunin ang lupa dahil hindi na nila kayang mangupahan. Disyembre 11, 2012…nagpunta sila sa Cavite. Nagbabakasakali maayos ang usapan tungkol sa hatian. Nagtakda ng petsa ang kampo ng Hintay para magkita-kita at maisaayos na ang distribusyon ng lupang mamanahin. Hanggang ngayon hindi pa natutuloy ang kanilang pag uusap-usap.
“Ang gusto lang naman namin makuha kung ano ang nararapat. Kaso iniisip namin na baka singilin kami sa mga ibinayad nila sa buwis. Wala pa naman kaming pera,†hinaing ni Aida.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES†sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat†ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00-4:00 ng hapon at Sabado 11am-12pm) ang problemang ito ni Aida. SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kinakailangan nilang makakuha ng kopya ng titulo ng lupa para makita kung kanino ito nakapangalan. Alamin nila kung ilan ang Legaspi heirs para malaman kung ilan ang maghahati-hati. Kailangang ipa-survey din nila ang lupa at magkaron ng ‘extra judicial settlement’. Dapat ding mabayaran ang buwis at ipa-register sa ‘Registry of Deeds’. Pagkatapos itong mahati-hati saka niyo lang makukuha ang inyong parte.
Sa mga anak naman, hindi ba dahil kayo’y sa iisang puno lamang nanggaling at iisang dugo ang dumadaloy sa inyong ugat di ba pwedeng magbigayan na lang at isantabi ang pagiging makasarili na ang katunggali ay kapamilya? Kapag nagawa niyo ito wala nang kasuhan sa korte at maÂlaking bayaran sa abogado. Mas magiging matibay pa ang inyong angkan. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
Sa gustong dumulog sa aming tanggapan, ang aming mga numero, 09213263166 (Aicel) 09198972854 (Monique) o 09213784392 (Pauline). Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.