GRABENG trapik ng araw na iyon sa Park Avenue cor. Main Street, Park City, Utah. Hindi naman dati ganoon kaya maÂraming motorista ang nabanas at yamot na yamot.
Hanggang sa malaman nila ang dahilan ng trapik. Isang lalaki na nagngangalang Jason Andreotti ang nakasakay sa camel at namumudmod ng leaflets ang nasa gitna ng kalsada. Ang lalaki ay nagpo-promote ng kanyang ginawang film. Hindi umano na-qualify ang film ng lalaki na isasali sana niya sa Sundance Film Festival sa siyudad.
Dahil sa ginawa ng lalaki, hinuli siya ng mga pulis at kinasuhan ng traffic obstruction. Tiniketan siya ng mga pulis. Ayon sa mga pulis, mahigpit na pinagbabawal sa kalsadang iyon ang camel. May batas daw ukol doon na ginawa pa noong 1875. Bawal ang camel doon.
Nangatwiran si Jason na hindi niya alam na bawal doon ang camel. At saka wala raw siyang nakita sa Utah Statutes na bawal ang camel doon.
Napailing-iling lang ang mga pulis. Itinuloy nila ang kaso kay JasonÂ. Ang paggambala sa daloy ng trapiko sa Utah ay illegal.