MULI na namang nabuhay ang isyu ng Cybercrime Law mula nang ipasa ito noong Setyembre 2012. Noong Linggo ay nagkaroon ng overnight vigil ang mga hindi sang-ayon dito. May laban pa ba ang mga ayaw kahit na naipasa na ang batas na ito?
Sabi nga nila, wala nang safe na lugar ngayon. Kahit sa bahay hindi na rin ligtas. Pati sa cyber world ay wala na rin tayong kawala.
Ang mga isinaad na makakasuhan ay ang may kinalaman sa cybersex, child phornography, identity theft, pagnanakaw ng impormasyon, libel at cybersquatting. Isa sa mga naging mitsa upang matuluyan ang batas na ito ang naganap na Iloveyou virus noong 2001 kung saan nasa $5 billion ang damages. Hindi makasuhan ang gumawa dahil walang batas na sumasaklaw.
Sang-ayon ako na dapat makasuhan at managot ang mga bastos, walang awa, walang puso at walang modo na umaabuso sa mga kabataan. Gayundin ang mga gumagamit ng mga pangalan at nagnanakaw ng pagkatao. Hindi naman ako sang-ayon sa ubod ng istriktong probisyon nito na para bang binubusalan na ang ating mga bibig.
Napaka-makapangyarihan ng social media. Maraming mabuting bagay ang nailulunsad at naidaraos dahil sa tulong nito. Halimbawa na lamang sa mga nais magsimula ng negosyo, ang Internet sa pamamagitan ng Facebook, Twitter, Multiply at Instagram ay nagkakaroon sila ng libreng marketing at promotion para sa kanilang mga produkto. Mas napapadali rin ang pagsusumbong sa mga kinauukulan ng mga bagay-bagay. Pati ang pagmo-monitor ng daloy ng trapiko ay mas madali dahil sa teknolohiya ngayon. Pero ang pagla-like sa Facebook ng iyong opinyong negatibo tungkol sa hindi kanais-nais na pangyayari sa isang institusyon, indibidwal o kompanya, gamit ang pribadong account ay pipigilan na. Nasaan na ang freedom of speech? O baka dapat ang itanong ay “may tunay na kalayaan pa ba ngayon?â€