Namamanhid ang 3 daliri sa kamay
NAKAKARAMDAM ba kayo na namamanhid ang tatlo sa 10 mga daliri sa kamay? Baka mayroon kayong carpal tunnel syndrome!
Ito ‘yung tatlong daliring magkakatabi. Minsa’y hindi lamang basta pamamanhid kundi may kaakibat na kirot sa dakong palapulsuhan na kumakalat sa braso, o sa palad, o sa mga daliri ng ating kamay. Minsan din ay mas kapansin-pansin ang pagkawala ng pakiramdam sa mga naturang daliri.
Tinawag itong “carpal tunnel syndrome†dahil mayroong parang tunnel o lagusan sa ating mga kamay sa dakong pulsuhan (wrist). Carpal tunnel ang tawag dito sapagkat ang lagusang ito ay naliligiran ng walong carpal bones at mga litid. Ang tunnel na ito ang pumuprotekta sa mga nerves, partikular na ang median nerve, na naglalagos mula sa braso patungo sa mga kamay natin. Importante ang median nerve sapagkat ito ang ugat na nagbibigay ng pakiramdam sa halos apat na daliri ng kamay: ang hinlalaki, hintuturo, panggitnang daliri, at ilang bahagi ng palasingsingan.
Ngayon, kung nangyaring mamaga ang mga tissues sa loob ng naturang tunnel, mapipiga niya ang mga nerves na dumadaan doon, dahilan para mamanhid o mangirot ang mga sinusuplayang daliri ng median nerve. Ang presyon na ito sa naturang nerve ay nagdudulot ng isang klase ng pattern ng pamamanhid o pangingirot na kung tawagin ay “carpal tunnel syndrome.â€
Paano nagkakaroon nito? Walang tiyak na sanhi. Pero maaaring dahil ito sa sumusunod: pagtaba, paninigarilyo, pagbubuntis, at rayuma. Maaari ring pagmulan nito ang mga mapuwersang galaw na paulit-ulit ng ating mga kamay. Mga galaw na posibleng makapagdulot ng pinsala o pamamaga sa mga tissues na nakapaikot sa median nerve sa loob ng carpal tunnel. Ilan sa taong karaniwang kinakikitaan ng carpal tunnel syndrome ay ang mga karpintero, mekaniko, piyanista, construction workers, siklista, golfers, at mga bangkero.
Kahit sino ay puwedeng magkaroon nito, mahirap man o mayaman. Ngunit sinasabing ang mga kababaihang malapit na sa middle age ang karaniwang nagkakaroon ng carpal tunnel syndrome.
Bukod sa nararamdamang pamamanhid sa mga apektadong daliri, kagyat ring maiisip ang kondisyong carpal tunnel syndrome kung napansing ang hinliliit lamang ang may pakiramdam sa lahat ng mga daliri sa kamay. Isa pa ay kung sasadyaing pitikin ang palapulsuhan na katabi ng palad. Mararamdaman ang shooting pain o tingling pain sa kamay at braso. Tandaan na naiipit doon ang median nerve kaya masakit. (Itutuloy)
- Latest