Editoryal - Graphic health warnings, ilagay sa kaha ng yosi

UMEPEKTO na ang Republic Act 10351 (An Act Restructuring the Excise Tax on Alcohol and Tobacco­). Nag-effect ang bagong tax rate noong Enero 1. Marami namang tindahan ang agad na nagtaas ng kanilang tindang sigarilyo. May sari-sari store na ibi­ni­benta ang isang stick na sigarilyo sa halagang P4.00, depende sa brand. Sa bagong tax rate, inaasahang kikita ang pamahalaan ng P33.96 billion ngayong 2013 at mas malaki sa mga susunod pang mga taon.

Ayon sa World Health Organization (WHO), 71 percent ng cancer death sa mundo ay nakuha sa paninigarilyo. Dito sa Pilipinas, ang cancer sa baga (lung) ang nangungunang dahilan ng kamatayan ng nakararaming lalaki. Marami sa mga nagkakaroon ng cancer ay mula sa mga mahihirap na pamilya. Marami sa may cancer ang namamatay na hindi na nakaabot sa ospital at hindi na nakatikim ng gamot.

Pangunahing layunin kaya itinaas ang tax ng sigarilyo at alak ay upang mabawasan ang mga Pinoy na nagkakasakit sa mga bisyo. Maraming Pinoy ang nagkakasakit. Dahil mataas na ang presyo ng sigarilyo, hindi na makaka-afford ang mga mahihirap na bumili nito. Imagine, kung P4.00 ang bawat stick, malaking kabawasan ito sa bulsa. Paano bibili ng sigarilyo ang kakarampot ang  kita? Kung nakakaubos ng 10 stick sa maghapon, P40 na ito. Paano pa kung 20 stick ang nauubos?

Pero nakapagtataka na kahit na nagtaas ng presyo ng sigarilyo, marami pa rin ang bumibili. Tila walang epekto ang pagtataas. Lulong na sa bisyo at wala nang makapipigil pa.

Sa ganitong senaryo, mas maganda kung aprubahan ng Kongreso ang paglalagay ng graphic health warnings sa mga kaha ng sigarilyo. Kung nakalarawan ang mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo, baka matakot na ang marami at tuluyang bitiwan ang bisyo. Ipasa ang Senate Bill 3283 na akda ni Sen. Pia Cayetano. Maaaring ito ang kasagutan.

Show comments