Kasalanan ba ang maging mahirap, PO1 Julius Ballesteros?

SA panahon ngayon na maraming Pinoy na nagtapos nga ng kurso sa college subalit wala namang trabaho, minabuti ni Princess Joy Guballa, 29, may asawa, na pasukin na lang ang trabahong kubrador ng bookies ng karera. Maliit nga ang suweldo subalit sigurado naman ang maiiuwi niya sa kanyang pamilya. Pinagkasya na lang ito ni Guballa at sa mabuting palad hindi naman nababakante ang hapag kainan nila. ‘Ika nga kumakain ng tatlong beses ang pamilya ni Guballa at wala na siyang reklamo pa. Masaya na sana ang pamilya ni Guballa subalit sa isang iglap nabago ang sistema.

Na-raid kasi ang puwesto ni Guballa ng police team na pinamumunuan ni PO1 Julius Ballesteros, na kolektor naman ni Insp. Tomasito Corpuz, ang hepe ng Luneta Detachment ng Manila Police District (MPD). Tinrato ni Ballesteros na parang kriminal si Guballa! Pinosasan si Guballa na akala mo ay isang kriminal na sangkot sa patayan o malaking krimen. Kasalanan ba ang maging mahirap? Gusto lang ng taong mabuhay ah! Ano ba yan, PO1 Ballesteros?

At ang pinakamasaklap, kinapkapan ni Ballesteros si Guballa dahil hindi niya makita ang kubransa nito. Ang masama, pati ang nasa “ibaba” ni Guballa ay kinapkap din ni Ballesteros para lang makita ang pitsa.

Dinala si Guballa sa presinto at doon naulit na naman ang pagkapkap sa kanya ni Ballesteros. Siyempre, nagtanong si Guballa kay Ballesteros kung bakit siya ginaganun e ke-babae niyang tao. Ang sagot ni Ballesteros, “Para matandaan mo ang mukha ko.” Kinunsinti naman ni Corpuz si Ballesteros. Wala raw siyang pakialam kung magreklamo si Guballa.

Teka nga NCRPO chief Dir. Dindo Espina? Di ba me batas tayo sa PNP na kapag babae ang naaresto ay babaeng pulis din ang kakapkap dito?

Sa tingin kasi ng mga kosa ko, nagmalabis na si Ballesteros para lang kumita ng pitsa. Marami na kasing pinarusahan si Espina sa NCRPO at sa palagay ko panahon na para silipin niya ang ginawa ni Ballesteros kay Guballa. Dapat maparusahan si Ballesteros para hindi na pamarisan.

Kung sabagay, nag-file na ng sexual harassment case si Guballa kay Ballesteros sa Manila prosecutor’s office. Puwede rin sigurong gamitin ni Espina ang kaso na basehan para naman sa administrative case laban sa kanya. Wala nang makapipigil kay Guballa para itulak ang kaso kahit may halong takot na siya dahil sa pangambang gumanti si Ballesteros sa kanya.

 

Show comments