Dumarami ang mga nabibiktima ng mga pambu-bully. Mga indibidwal na “katuwaang” sinasaktan pisikal man o emosyunal; ipinahihiya o pinagtatawanan sa harapan ng maraming tao.
Kadalasang nangyayari ito sa mga opisina, paaralan at sa bahay.
Sa Pilipinas, hindi na bago ang ganitong mga usapin. Karamihan sa mga kasong naitatala, sa mga opisina at paaralan.
Nitong nakaraang mga buwan, isang sumbong ang nakarating sa BITAG. Kakaiba ang reklamo dahil, isang professor ang nambu-bully sa isang estudyante.
Si “Kristine,” isang engineering at graduating student ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) Sta. Mesa, dumulog sa BITAG hinggil sa pambu-bully umano sa kaniya ng kaniyang professor.
Pinakinggan ng BITAG ang sumbong at hinaing ni “Kristine.” Ayon sa kaniya, isinasagawa ng kaniyang professor ang pambubully sa kaniya sa loob mismo kanilang classroom.
Dahil graduating, hindi nalang muna pinansin at ininda ni “Kristine” ang pambu-bully ng kaniyang “pangalawang ina.”
Paliwanag ng graduating student, sa kanilang siyam na magkakapatid, siya lang ang pilit na iginagapang ng mga magulang sa pag-aaral at tanging inaasahang makakatulong sa pamilya pagka-graduate sa kolehiyo.
Pero, ang pangarap ni “Kristine” at ng buong pamilya na maging isang ganap na engineer tila malabong mangyari!
Pinapahirapan at binu-bully kasi siya ng kaniyang Prof. Elaine Rodriguez. Laging pinapahiya sa klase at laging pinalalabas sa classroom bago pa man magsimula ang lecture.
Dahil sa sumbong na ito ni “Kristine”, ikinasa ng BITAG ang isang surveillance operations sa mismong oras at classroom ni Prof. Elaine.
Sa puntong ito, nag-re-rekord na ang surveillance camera na itinanim ng BITAG kay “Kristine.”
Pagpasok palang ni Prof. Elaine, agad nitong hinanap si “Kristine.” Nang mamataang nasa loob ang bully victim, mabilis itong itinaboy at binagsakan ng masasakit at maaanghang na salita.
Dito, napatunayan ng BITAG ang pambabastos at harap-harapang pambu-bully ng itinuring na pangalawang ina ni “Kristine.”
Dito na umaksyon ang BITAG. Kilos-prontong inilapit ng BITAG ang reklamong ito sa pamunuan ng PUP, Commission on Higher Education (CHED), at Commission on Human Rights (CHR).
Dahil sa hindi akmang-kilos ng propesora, naipatalsik siya sa nasabing paaralan.
Kahapon, muling ipinalabas ng BITAG ang “Bully Professor” episode. Nabatid mula sa mga texter ng BITAG na lumipat na sa Far Eastern University (FEU) si Prof. Elaine Rodriguez.
Sa mga estudyante at pamunuan ng FEU, mag-ingat, mag-ingat sa professor na ito.
Sinuman ang biktima at binu-bully, laging bukas ang tanggapan ng BITAG sa ganitong usapin. Magsumbong at magtungo sa BITAG Headquarters…