(‘Pekpek shorts’ ang slang na salita sa shorts na sobrang ikli at umaabot hanggang kasingit-singitan ng ‘flower’. Ito ang naisipan kong itawag sa mga koleksiyon kong “dagli” o mabilisang kuwento dahil maikling-maikli lamang ito.)
Ang Mandaraya
May-ari ng munting pagawaan ng longganisa si Melo. Ang karne ay binibili niya sa kapitbahay na si Andy na may meat shop sa harapan ng kanilang bahay. Minsan ay nag-away ang dalawa dahil kulang daw ang timbang ng karne na ibinenta ni Andy kay Melo. Sinuntok ni Andy si Melo nang sabihan siyang mandaraya. Buti na lang at naawat ang dalawa ng mga barangay tanod. Dinala ang dalawa sa barangay hall para imbestigahan.
“May timbangan ka ba Andy?” tanong ni Chairman
“Mayroon ho. Kaya lang ay nasira ito kahapon. Tamang-tama naman na umorder ng karne si Melo. Ang ginamit kong timbangan ay yung balance scale kung saan naglagay ako ng isang bagay na may timbang na isang kilo sa left side. Ipinatong ko ang karneng ibebenta kay Melo sa right side. Kapag nagbalanse ang dalawang scales, ibig sabihin ay umabot na sa isang kilo yung karneng ibebenta ko sa kanya.”
“Ano ang inilagay mo sa left side ng scale para maging basehan ng timbang na one kilo?” tanong ulit ni Chairman
“Yung isang kilong longganisa na binili ko kay Melo.”
Napailing na lang ang Chairman at tiningnan si Melo na parang napahiya.
“Maliwanag Melo na kulang sa timbang ang ibinebenta mong longganisa kaya nang ito ay ginamit na basehan ng weight ni Andy, na walang kamalay-malay sa pandaraya mo, kulang din sa timbang ang karneng naibenta niya sa iyo. Ang pandarayang ginawa mo ay bumalik din sa iyo. Sa maikling salita, KARMA. Case closed.”