‘Multi-level networking scam’

NAGING mainit na paksa sa media ngayong linggo ang tungkol sa dumaraming lumalantad na biktima ng Aman pyramiding scam sa Pagadian City.

Sunud-sunod ang mga text message na natatanggap ng BITAG textline na nagsisiwalat ng iba pang mga negosyong multi-level networking na nag-o-operate sa bansa.

Hindi ito ang unang pagkakataon na naka-engkuwentro ang BITAG ng reklamo tungkol sa modus ng multi-level networking sa bansa. Estilo ng mga miyembro nito na mangalap ng mga tao at kumbinsihin sila na maging miyembro ng kanilang organisasyon.

Sa pagkukuwento ng mga istorya ng tagumpay sa pamamagitan lamang ng pagsali sa kanila, naaakit ang mga target nilang biktima. Ang kanilang pakulo, walang kahirap-hirap, higit pa sa triple ang balik ng perang ipupuhunan nila.

Kailangan lamang na makapag-recruit din sila ng iba pang aplikante at mula roon ay may porsiyento ka na sa oras na magdeposito ng pera o bumili ng mga produkto bilang puhunan ng mga ito sa pagiging miyembro. Subalit higit na nakakabahala dahil target ng mga multi-level networking companies na ito sa kasalukuyan ay ang mga kabataang estudyante sa high school at kolehiyo.

Dahil wala pang sapat na kaalaman at kakayahang makapag-determina sa mga nakakahumaling na salita ukol sa pera, madaling nahuhulog ang kabataan sa pangungumbinsi ng mga mapagsamantalang kawatang ito.

Sa desperasyon na makapanghatak ng kapwa para mamuhunan, naroong maging ang pagsanla o pagbebenta ng kagamitan o kung hindi man ay pagnanakaw ay itinuturo na rin sa kabataan.

Ganito ang nangyari sa magulang ng isang estudyanteng lumapit sa BITAG upang isumbong ang panlilinlang na ginagawa ng mga multi-level networking scams.

Sumbong ng mga magulang ng bata sa BITAG, ang sana’y pambayad ng tuition ng kanilang anak, napunta lamang sa wala nang makumbinsi itong sumali sa isa sa mga networking na negosyo sa kanilang lugar.

Kaya naman babala ng BITAG sa lahat ng aming mga tagasubaybay na laging gabayan ang inyong mga anak sa kanilang mga desisyon at sinasalihang organisasyon.

Maging paladuda at kuwidaw sa anumang alok lalo na kung walang sapat na ka­alaman sa mga tao o kumpanyang na­ngungumbinsi nito.

 

Show comments