EDITORYAL - Hanapin, mga kasangkot pa sa Maguindanao massacre
MAHIGIT 100 umano ang mga armadong kalalakihan na humarang at walang awang bumaril sa 58 katao (30 rito ay mamamahayag) noong Nobyembre 23, 2009 sa Bgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao. Sa 100, siyam pa lamang ang naaaresto at ang 91 ay nananatiling nakalalaya. Hindi malaman ng mga awtoridad kung saan hahanapin ang 91 na umano’y malalapit na kamag-anak ng mga itinuturong “utak” ng massacre. Nakapiit na ang Ampatuan family --- dating Maguindanao governor Andal Ampatuan, Sr., dating ARMM governor Zaldy Ampatuan at dating mayor ng Datu Unsay, Maguindano na si Andal Ampatuan Jr.. Maraming lumutang na witness ang tinuturo ang Ampatuan clan na “utak” ng massacre.
Noong isang araw, nadakip ng PNP ang driver ng backhoe na ginamit para ilibing ang mga bangkay ng 58 minasaker. Nahuli si Bong Andal makaraang paigtingin ng PNP ang paghahanap sa mga sangkot sa karumal-dumal na massacre. Si Andal ang humukay ng pinaglibingan ng mga minasaker. Ang backhoe ay may nakatatak pa umanong pangalan ni Gov. Andal Ampatuan Sr. Hindi na nagawang alisin ang backhoe sa lugar ng krimen sapagkat nabuking na ang massacre.
Tatlong taon na mula nang mangyari ang pinaka-karumal-dumal na krimen sa Pilipinas subalit nananatili pa ring walang hustisyang nakakamtan ang mga kaanak ng biktima. Usad-pagong ang paglilitis. At lalo pang kumikirot ang kanilang sugat sapagkat napakarami pang hindi nahuhuli sa mga nagma saker. Karamihan sa mga minasaker ay pinagtataga pa umano. Mayroon nilapitan at saka binaril nang malapitan para masigurong patay na. Ayon sa mga witness, kabilang si Andal Jr. sa mga kalalakihang humarang at bumaril sa mga biktima.
Paigtingin ng PNP ang paghahanap pa sa mga nakalalaya pang suspek. Siyamnapu’t isa pa ang nakalalaya at sana bago mawalan ng pag-asa ang mga kaanak ng biktima, mailagay sa kabila ng rehas ang mga taong ito.
- Latest