Grabeng trapik, titindi pa!

Imbes na maresolba, mukhang patuloy sa paglala ang nararanasang matinding trapik sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Kung ang pag-uusapan eh ang kahabaan ng Edsa , mukhang immune na ang mga motorista sa trapik dito na hindi na masolusyunan. Sanay na sila kaya wala na silang masasabi pa.

Pero ngayon, mukhang ang trapik sa EDSA eh ramdam na rin sa iba pang mga pangunahing daan.

Ang kahabaan lang ng Quezon Avenue, oo nga’t nagbukas na rito ang underpass sa Araneta Avenue na nakatulong para maibsan  ang dati’y masikip na trapik  dito, pero ang naging problema rito ngayon pagkadaan mo sa maluwag at pag-akyat mo doon na ang kalbaryo.

Hindi malaman kung pinag-aaralan ito ng mga kinauukulan.

Grabe talaga ang dinadalang trapik ng mga u-turn slot sa kahabaan ng Quezon Avenue kahit saan dito.

Mas maganda siguro na ilayo ang mga u-turn slot na ito sa mga lusutang kalsada, ang siste kasi sa mga lusutan kukuha kaagad ng lugar para makapasok sa u-turn slot ang mga sasakyan na siyang humaharang naman sa mga sasakyan na hindi mag-uuturn.

Talagang buhul-buhol at kanya kanya ang mga sasakyan dito sa lahat ng u-turn slot sa Quezon Avenue.

Kapag nakalusot na dito, kung papuntang Maynila, ito namang kahabaan ng España ang may matinding trapik. Isama pa rito ang mga pa­saway na mga motorista na nag-uu-turn din mismo sa riles pa ng tren.

Sa Maynila pa rin, itong gilid ng Liwasang Boni­facio sa Lawton, ginawa nang terminal ng mga UV express at mga bus ang kalsada rito.  Hindi malaman kung bakit ito pinapayagan.

Grabe na rin ang mga nag­lalakihang container van na masusumpungan kahit anong oras ay bumibiyahe sa Maynila na isa rin sa pangunahing dahilan ng matinding trapik sa lungsod.

Lalo pang titindi ang masikip na trapik dahil papasok na ang holiday season kung saan busy na ang marami na­ting kababayan, kaya dapat na itong masolusyunan.

 

Show comments