Editoryal - Christmas lights na madaling masunog

MAY mga nangyayaring sunog ngayong panahon na ito kahit hindi naman tag-init. Lalo pang dumarami ang sunog pagsapit ng Disyembre. At natuklasan na ang dahilan ng sunog ay ang mga depektibong Christmas lights na binibenta sa tiyangge at mga bangketa. Mura lamang ang mga Christmas lights na mabibili sa halagang P100 o mas mababa pa. Sa Divisoria, Carriedo, Cubao at Baclaran ay maraming murang Christmas lights. Pero mag-isip muna nang maraming beses bago bilhin ang mga Christmas lights. Baka ang mga ito ang maging mitsa para matupok ang inyong bahay at magdamay pa ng iba. Ang mas masaklap ay kung may buhay na masayang dahil lamang sa mga depektibong pailaw na ito. Nakamura nga pero buhay naman ang kapalit.

Nagbigay ng babala ang Department of Trade and Industry (DTI) na bago bumili ng Christmas lights at iba pang klase ng pailaw ngayong Pasko na tingnan muna kung may ICC markings ang mga produkto. Kapag walang nakitang ICC markings, ang mga ito ay hindi dumaan sa quality control at madaling masunog.

Madali lang daw malalaman kung madaling masunog ang Christmas lights sapagkat manipis ang mga wire. Sa isang haltak daw ay napuputol agad. Kapag nag-init umano ang mga wire na ito, dito na magsisimula ang short circuit. Mag-aapoy na ang Christmas lights at kakakat na ang apoy.

Isang halimbawa ng depektibong Christmas lights ay ang ginawang adorno sa bahay ni dating  House Speaker Jose de Venecia, ilang taon na ang nakararaan. Nag-short circuit umano ang Christmas lights at nasunog ang bahay ng Speaker. Ang masakit, kasamang nasunog ang kanyang anak na babae.

Marami pang nangyaring malagim dahil sa depektibong Christmas lights. Maging mapanuri at kilatisin kung hindi takaw-sunog ang bibilhing pailaw. Huwag isapalaran ang buhay sa mga mura ngunit depektibong ilaw.

Show comments