Lampong (111)

KINABAHAN si Dick. Usung-uso ngayon ang pag-akyat-bahay. Wala nang kinatatakutan ang mga magnanakaw. Kapag gusto nilang pasukin ang bahay, gagawin nila at kapag na­gising ang may-ari ay papatayin nila. Marami nang pangyayaring ganito kaya nararapat na mag-ingat.

Ngayong nakita ni Dick na nakaawang ang pinto ng unit ni Puri, naisip niya na baka nasa loob ang mga magnanakaw at nililimas ang mga gamit. O baka naman nasa masamang kalagayan si Jinky at kasama nito. Sabi ni Jinky, darating ang mama niya kaya nga dinala ang baby niya sa apartment ni Dick. Naisip din naman ni Dick, okey lang kung wala si Jinky sa loob at maliligtas siya sa kapahamakan.

Hindi malaman ni Dick ang gagawin. Tatawag ba siya ng pulis? Pero anong sasabihin niya sa pulis? Wala pa naman siyang nakikitang nangyayari sa loob. Ano ang irereport niya para makumbinsi na magres­ponde ang mga pulis?

Sa dakong huli, mina­buti ni Dick na mag-obserba muna. Pinalipas niya ang five minutes. Nalaman niya sa pagbabasa ng crime stories­, limang minuto lamang­ ang itinatagal ng mga magna­nakaw sa loob ng bahay. Mabilis ang kanilang kilos para hindi mahuli o malaman ang kanilang ginagawang pagnanakaw. Kapag sa loob ng limang minuto at walang lumabas na mga magnanakaw, talagang naiwan ni Jinky na bukas ang pinto. Ang matindi ay kung wala si Jinky sa loob ng bahay. Baka naglilimayon ang sutil na si Jinky at sa pagmamadali ay naiwan na bukas ang pinto. Kaya siguro nag-aalala si Puri at pinakiusapan siyang inspeksiyunin ang unit.

Subalit lumipas ang limang minuto ay walang mga magnanakaw na lu­mabas mula sa unit. Nag­hintay pa ng dalawang mi­nuto si Dick. Pero wala talagang lumabas.

Humakbang na siya papalapit sa pinto. Hinawakan ang seradura. Dahan-dahang itinulak. Hindi siya gagawa ng ingay.

Madilim sa loob. Baka nga wala si Jinky! Baka gumigimik na naman ang malanding babae.

Humakbang na siya papasok. Inaninag niya ang dinadaanan. Hanggang sa unti-unting magliwanag ang kanyang mga mata. Naa­aninaw na niya ang kabuuan ng sala. Malawak ang sala ng unit. Bukod sa mahabang sopa sa may pagpasok ng pinto ay mayroon pa ring isang mahabang sopa sa malapit sa kusina.

Dahan-dahang naglakad si Dick. Ang gusto niyang makita ay ang kuwarto ni Jinky. Kabisado naman niya ang kuwarto ni Jinky sapagkat nakapasok na siya rito. Winasak pa nga niya ang pinto ng kuwarto noong magtangka itong magbigti.

Dahan-dahan siyang nakapasok sa pinto ng ku­warto. Sinilip si Jinky. Wala! Kung ganoon tama ang hula niya na nasa gimikan ito. Naiwang bukas ang unit!

Nagtuloy siya sa may kusina.

Pero bago nakarating sa kusina, may narinig siyang kaluskos at daing. Nang aninawin niya, may dalawang magkapatong sa sopa! Nang aninawin niya nang todo, nakita niya si Jinky at may kasamang lalaki!

(Itutuloy)

Show comments