MANILA, Philippines — Inihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na inihahanda na ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang kulungan ng mga sangkot sa flood control scam sa oras na ang mga ito ay makasuhan.
Ayon kay Remulla, regular jail cells ang inihahanda para sa mga dawit sa anomalya dahil pantay-pantay umano ang patakaran ng kulungan mayaman man o mahirap.
Posibleng sa New Quezon City Jail dalhin ang mga makakasuhan dahil ito umano ang pinakamalapit sa Sandiganbayan.
Ayon pa sa kalihim, may mga toilet, shower, malinis na tubig, at lugar para mag-ehersisyo sa kulungan at mayroon din umanong kwarto kung saan maaaring makausap ng mga akusado ang kanilang abogado.
Nilinaw rin ni Remulla na hindi gagamitin ang custodial center ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame para idetine ang mga sangkot.
Ayon sa kanya, aabot sa 200 katao ang posibleng kasuhan sa susunod na tatlong linggo, at unang makakasuhan ang mga pangalang lumabas na sa mga pagdinig ng Senado.
Bagaman hindi niya diretsong kinumpirma, sinabi ni Remulla na mabigat ang mga ebidensyang lumabas sa mga pagdinig.
Nauna nang ibinunyag ni Independent Commission for Infrastructure (ICI) Special Adviser Rodolfo Azurin Jr. na mahigit 15 kaso ang isasampa sa Ombudsman sa mga darating na linggo.