Malacañang kay SolGen: Sarili suriin kung dapat pa sa puwesto
MANILA, Philippines — Dapat i-assess nang mabuti ni Solicitor General Menardo Guevarra ang kanyang sarili kung karapat-dapat pa ba siyang maging chief lawyer ng gobyerno.
Ito ang naging komento ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro sa isang press briefing kahapon sa Malacañang matapos na tumangging katawanin ang pagsagot sa utos ng Korte Suprema na petisyong may kinalaman sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nilinaw naman ni Castro na wala pang napapag-usapan kung mayroong posibilidad na masibak sa puwesto si Guevarra.
“Wala pa pong napapag usapan diyan dahil napakabago talaga nito. Lumabas lang yata ito kagabi. Pero siguro mas maganda kung mismo si Solgen ang mag-assess sa sarili niya kung siya pa po ba ay nararapat na tumayo bilang Solicitor General,” giit pa ni Castro.
Naniniwala rin ang tapagsalita ng palasyo na pansariling opinyon lang ni Guevarra na hindi niya kakayaning ipagtanggol ang gobyerno at mga opisyal ng gobyerno na tumugon sa kahilingan ng Interpol.
Kumambyo rin si Castro sa pagsasabing ang binanggit lamang ng SolGen sa kanyang pagdistansiya ay dahil naniniwala itong walang hurisdiksiyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas, at hindi binanggit sa kanyang dahilan na mali ang pakikipagtulungan ng gobyerno sa Interpol.
Samanatala, sinabi ni Guevarra na ipinauubaya lang niya kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. kung mananatili siyang pinuno ng Office of the Solicitor General (OSG) o papalitan sa puwesto.
- Latest