Palasyo: Loyalty check sa mga pulis, militar ‘di kailangan

The Manila Police District commenced the deployment of thousands of police to different cemeteries in Manila on October 31, 2024.
STAR / Edd Gumban / File

MANILA, Philippines — Malaki ang kumpiyansa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa katapatan ng pulisya at mga militar kasunod ng pag-aresto kay da­ting Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, hindi na kailangan ang loyalty check sa mga ito.

”Loyalty check? Wala po, kampante po ang Pa­ngulo. Ang ginawa naman po ng administras­yon ay naaayon sa batas,” ani Castro.

Ang pahayag ni Castro ay kaugnay sa pagkalat ng mga ulat na maraming miyembro ng PNP at AFP ang nagbitiw matapos na arestuhin ang dating pa­ngulo at ilipad patungong Hague, The Netherlands.

Pinabulaanan naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga ulat ng umano’y pagbibitiw sa serbisyo ng mga tauhan nito para suportahan si Duterte.

Nauna na rin itinanggi ng mga opisyal ng PNP na ilan sa kanilang mga tauhan ay nagbitiw bilang pagsimpatya kay Duterte at sa kanyang kinakaharap na legal battle sa ICC.

Hinimok ng militar ang publiko ”to exercise critical discernment and avoid spreading unconfirmed information.”

Show comments