MANILA, Philippines — “Gawing inspirasyon ang selebrasyon ng kapistahan para pairalin ang malasakit sa kapwa at magtiwala para sa mas magandang bukas.”
Ito ang mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa selebrasyon ng kapistahan ng Poong Nazareno kahapon kung saan libu-libong mga deboto ang nakilahok sa selebrasyon.
Sinabi ng Pangulo na habang libu- libong deboto ang naglalakad ng walang sapin sa paa kasabay ang dasal at sakripisyo, ipinapaala aniya na walang mabigat na pasanin o suliranin kung dinadala ito ng may kasamang pananampalataya.
Nakiisa ang Presidente sa libu-libong mga debotong Katoliko sa pag-obserba sa kapistahan ng Poong Nazareno kung saan inihayag nito na ipinakita ng bawat isa ang pagkakaisa at pakikipag-kapwa tao.
Hangad ng Pangulo sa bawat deboto ang makabuluhang selebrasyon at isabuhay sa kanilang araw-araw na mga ginagawa ang mga natutunang aral sa Poong Nazareno na pagkakaroon ng pag-asa, maging tagapamayapa at pagtulong para sa ikagaganda ng lipunan.