VP Sara, patung-patong na ang problema

Vice President Sara Duterte attends her office's first budget hearing with the House appropriations committee on August 28, 2024.

MANILA, Philippines — Nahaharap sa patung-patong na problema si Vice President Sara Duterte dahil matapos itong alisin ni Pa­ngulong Marcos bilang miyembro ng National Security Council (NSC) kamakailan, ay maaa­ring maharap pa ito sa ikaapat na panibagong impeachment complaint sa Kongreso.

“Ilang miyembro ng mayorya sa Kongreso ang nagpahiwatig na maghahain ng ikaapat na impeachment complaint laban sa Bise-Presidente,” ayon kay House Secretary General Reginald Velasco.

Gayunman, tumanggi muna si Velasco na pangalanan ang mga nasabing mambabatas na planong maghain ng isa pang impeachment complaint laban kay VP Sara.

Dagdag pa ni ­Velasco, ang gusto ng ilang mambabatas ay umusad na ang mga nakahaing impeachment complaint ngunit mismong si Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang tutol dito.

“Actually ang gusto nga ng ilan umusad na kahit isa lang sa naunang tatlong impeachment complaint laban kay VP pero hindi ba ayaw na ni PBBM ito ituloy?” wika ni Velasco.

Matatandaang nag-ugat ang mga reklamo laban kay VP Sara dahil hindi nito maipaliwanag kung saan ginastos ang P125 milyong confidential funds nito noong taong 2023 at noong nakaraang linggo lamang naman, ­inalis na rin ni PBBM ang bise presidente bilang miyembro ng NSC.

Show comments