Malacañang wala pang desisyon kung bibigyan ng pardon si Veloso
MANILA, Philippines — Hindi pa umano magbibigay ng pahayag ang Malacañang kung bibigyan ng pardon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Mary Jane Veloso pagdating sa bansa.
Kasunod ito ng inaasahang pagdating sa Pilipinas ngayong araw ni Veloso mula sa Indonesia matapos mapiit dahil sa kasong illegal na droga.
Sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi pa masabi kung ano ang mangyayari pagdating ni Veloso dahil ang prayoridad ngayon aniya ng Pangulo ay mapauwi ito ng walang anumang aberya o pagkaantala.
“Nothing to say yet on what may happen. The priority of PBBM is to have Veloso repatriated without delay,” saad ni Bersamin. Samantala, sinabi kahapon ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. na sa pagdating ngayong araw ni Veloso mula sa Indonesia ay ididiretso ito sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.
Sumulat na ang pamilya ni Veloso kay Pangulong Marcos Jr. noong nakalipas na linggo at hiniling na mabigyan ito ng executive clemency.
Umaasa ang pamilya Veloso na mapagbibigyan ang kahilingan nila para makapiling na nila ito ng tuluyan.
- Latest