Marcos namahagi ng mga nakumpiskang mackerel
MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos ang pamamahagi ng mga nakumpiskang mackerel sa mga residente ng Baseco, Port Area sa Maynila.
Iginiit ng Pangulo ang pagtutok ng gobyerno sa pagtugis sa mga smugglers at sa mga hoarders ng mga produktong agrikultura at pangisda.
“Naiba po ang pamasko namin.Imbes na hamon at mga lechon, isda, tulingan ang aming dala. Para naman hindi masayang,” sinabi pa ni Pangulong Marcos sa pamamahagi sa Benigno S. Aquino Jr. Elementary School Gym.
Umaabot sa 21,000 pamilya ng Barangay 649 sa Baseco ang mga nakatanggap ng mga donasyon mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) habang bawat pamilya ay nakatanggap ng dalawang kilo ng mackerel.
Ang mga nagyeyelong mackerel ay ipamamahagi rin sa mga pinakamahihirap na barangay ng 17 iba pang lokal na pamahalaan sa Metro Manila, Obando at Meycauayan sa Bulacan, at Bacoor sa Cavite.
Ang mga piling city jail, pampublikong ospital, at iba’t ibang pasilidad ng pangangalaga ay makakatanggap din ng mga nakumpiskang mackerel at tinatayang 150,000 pamilya ang makikinabang mula sa donasyon.
Noong Setyembre 28 at 29, 21 na container ng frozen mackerel na ipinadala mula sa China, na tinatayang nagkakahalaga ng PhP178.5 milyon, ay nakumpiska sa Manila International Container Port (MICP).
- Latest