Marikina Mayor Teodoro, ‘di pwedeng tumakbo sa First District - Comelec
MANILA, Philippines — Hindi na maaaring tumakbo bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Marikina si Mayor Marcy Teodoro matapos siyang ideklarang disqualified ng Comelec First Division noong Disyembre 11, 2024 matapos ilagay sa kanyang certificate of candidacy na residente siya ng nasabing distrito na hindi naman totoo.
Ang desisyon ay nilagdaan nina Commissioner Ernesto Ferdinand Maceda, Commissioner Aimee Ferolino, at Commissioner Socorro Inting dahil malinaw na material misrepresentation o panloloko na sapat na dahilan para kanselahin ang kanyang kandidatura sa pagka-kongresista sa unang distrito sa halalan sa 2025.
Base sa Comelec, napatunayang iniwan na ni Teodoro ang kanyang domicile of origin sa Unang Distrito at nagkaroon ng bagong domicile of choice sa Ikalawang Distrito.
Bagama’t walang bawal para kay Teodoro na bumalik sa kanyang dating domicile of origin, kinakailangan ng batas sa halalan na magpakita siya ng ebidensyang muli niyang naitatag ang kanyang tirahan sa Unang Distrito nang hindi bababa sa isang taon bago ang halalang pambansa at lokal sa 2025.
Paglabag sa Panuntunan ng Paninirahan Ayon sa Section 78 ng Omnibus Election Code, ang isang kandidato sa House of Representatives ay kinakailangang residente ng distrito na kanyang kinakatawan nang hindi bababa sa isang taon bago ang araw ng halalan.
Para sa eleksyon sa Mayo 12, 2025, dapat ay rehistrado at nakatira na si Teodoro sa Unang Distrito bago o noong Mayo 12, 2024,ngunit lumitaw sa imbestigasyon ng Comelec na si Teodoro ay Pebrero 26, 202 ay lumipat ng rehistro mula Barangay San Roque (Unang Distrito) patungong Barangay Tumana (Ikalawang Distrito); Setyembre 26, 2024 ay muling nagpatala bilang botante sa Barangay San Roque (Unang Distrito)—walong buwan lamang bago ang eleksyon, kulang sa itinakdang isang taon ng paninirahan.
Ipinaliwanag pa ng Comelec na sinadyang at seryosong maling inilahad ni Teodoro ang kanyang residency sa Unang Distrito, dahilan para ikansela o hindi bigyan ng bisa ang kanyang COC.
- Latest