Life begins at bente uno
Ngayong 21 taon na ang Pang-Masa (PM) ay maihahalintulad ito sa isang tao na nasa ganap na legal na edad na. Sa Pilipinas, ito ang mahalagang milestone na sumisimbolo sa pagtatapos ng “young adulthood.”
Ito ang panahon na kapana-panabik dahil dito ay maaari nang subukan ang mga bagay sa iyong bucket list o malayang gawin na pawang ang mga ‘adult’ lamang ang gumagawa.
Narito ang ilan sa mga bagay na maaari nang gawin pagtungtong ng 21 taong gulang na maaaring maghatid ng todo-todong saya.
Gawing prayoridad ang kalusugan. Mas makabubuting simulang alagaan ang katawan habang bata pa at subukan ang physical activities gaya ng yoga, jogging, pagdyi-gym, o ‘di kaya’y sports gaya ng tennis, badminton, at iba pa.
Ayon sa National Library of Medicine, bukod sa makakaiwas sa mga sakit, ang pagkakaroon ng active lifestyle ay may positibong epekto sa mental health.
Sa pagsimulang magtrabaho, dito matututunan ang pag-budget ng pera. Maaaring i-spoil ang sarili paminsan-minsan, pero huwag kalimutang magtabi ng ipon para sa kinabukasan at maging responsable sa paggastos ng sariling pera.
Kasama rin dito ang pagkakaroon ng kaalaman sa batas. Sa rami ng mga personalidad na nababalitang nasasangkot sa mga kasong gaya ng estafa, mahalagang maging pamilyar sa mga batas upang maiwasan ang mga pagkakamali lalo na sa usaping pera.
Subukan ang mga bagay na kinatatakutan. Ito ang edad kung saan mailalabas ang iyong adventurous side gaya ng trekking, scuba diving, bungee jumping, pag-travel mag-isa, at marami pang iba. Ika nga, ‘you only live once’ pero laging unahin ang kaligtasan.
Kung naiisipan nang bumukod ng tirahan sa mga magulang, ito ang panahon para simulang paghandaan ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga gawaing bahay tulad ng pagluluto, paglalaba, at iba pa upang maging responsableng indibidwal.
Sa hirap ng buhay ngayon, nauuso na ang pagkakaroon ng higit sa isang trabaho dahil hindi sumasapat ang kita sa isang full-time job. Kaya mahalagang i-level up ang skills at para na rin sa personal growth.
Sa pagtungtong ng edad na 21, malaya nang makakainom ng alak gamit ang kinikitang sariling pera. Pero tandaan, anumang sobra ay masama.
Sa ganitong edad ay malayang mae-explore ang pag-ibig at relasyon nang walang pressure. Kung hindi man pang-forever ang matagpuang pag-ibig ay siguradong may matututunang mahahalagang aral na mapapakinabangan sa susunod pang relasyon.
Itinuturing na ‘best time’ sa buhay ng tao ang edad pagtungtong ng 21 taong gulang. Ito ang panahon kung saan maaaring magkamali sa mga desisyon sa buhay, ngunit ang mahalaga ay matuto sa mga ito at maging responsable.
Gaya ng Pang Masa, marami pang pagsubok na haharapin ang isang taong nasa edad 21 taong gulang. Pero sa rami ng hamon na sumubok dito, hindi ito nagpatibag at patuloy itong naging Palaban at Maaasahan.
- Latest