MANILA, Philippines — Matapos ang halos dalawang taong pagbabawal, inalis na ng Department of Agriculture ang pagbabawal sa importasyon ng mga domestic at wild birds, kabilang ang mga poultry products mula Denmark.
Sa Memorandum Order No. 50 na inilabas ng DA noong Martes, inanunsyo ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. na inalis na ang pansamantalang import ban matapos ipaalam ng Danish Veterinary and Food Administration sa World Organization for Animal Health na naresolba na ang lahat ng kaso ng highly pathogenic avian influenza sa Denmark. Wala na ring naitalang karagdagang outbreak simula noong Setyembre 12, 2024.
Matatandaang ipinatupad ng DA noong Disyembre 2022 ang temporary ban sa pag-iimport ng domestic and wild birds at kanilang mga produkto, kabilang ang karne ng manok, day-old chicks, itlog, at semilya, matapos ang mga ulat ng outbreak ng avian flu sa Denmark.
Ang pagbabawal ay ipinatupad upang maprotektahan ang mga konsyumer at ang lokal na industriya ng manok.