Guro pinatay ng nobyo sa kalsada

MANILA, Philippines — Isang 25-anyos na guro ang nasawi matapos pagsasaksakin at iniwang duguan sa kalsada ng kanyang nobyo sa Purok-7, Brgy. Sta. Misericordia, Sto.Domingo, Albay, kamakalawa ng tanghali.

Rumesponde ang mga pulis nang may magreport sa kanilang police station sa natagpuang patay na babae sa kalsada, alas-12:15 ng tanghali na kinilalang si alyas Daria, guro ng Bonga National High School at residente ng Brgy. Bonga, Bacacay, Albay.

Sa ginawang backtracking at pagkuha ng kopya ng mga CCTV camera ay nahagip na angkas ang biktima ng isang nakamotorsiklo na nakilalang si Ryan Caturza Carale, 28-anyos, residente ng Aguinaldo St., Brgy. 10, Bacacay na sinasabing isang buwan ng nobyo ng dalaga.

Sa tulong naman ng Bacacay Police ay nakakuha pa ng kopya ng CCTV ang mga imbestigador, alas-10:00 ng umaga bago ang krimen ay sinundo pa ng suspek ang nobya.

Dakong alas-9:20 ng gabi ay pinuntahan na ng mga pulis ang bahay ng suspek at agad itong inaresto nang makitaan ng mga sugat sa kamay na tanda ng panlalaban ng dalaga habang sinasaksak.

Pati ang motorsiklong ginamit nito ay nakitaan rin ng mga tilamsik ng dugo.

Lumabas pa sa imbestigasyon na si Carale ay suspek rin sa pananaksak at pamamaslang sa kanyang dating nob­yang estudyante dahil sa selos at iniwang patay sa tabi rin ng kalsada ng Brgy. San Antonio, Tabaco City noong 2019.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek kung bakit niya pinatay ang kanyang nobya.

Show comments